| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Monday, October 24, 2005

Balik tanaw sa mga naging intriga sa San Pablo City Public Market & Shopping Mall

Ulat pananaw ni Dodie C. Banzuela

Nakabatay ang pagbabalik tanaw na ito sa mga nauna ng naibalita ng DERETSO simula nang buksan sa publiko noong1997 ang minsa’y tinagurian na rin sa pahina ng DERETSO na pinakamodernong public market sa Katimugang Tagalog.

Sa paglipat noong ika-15 ng Setyembre 1997

· “Dinumog ng mga dating suki ang pagbubukas ng ilang tindahan sa loob ng bagong palengke ng Lunsod ng San Pablo noong umaga ng Setyembre 15, 1997 bilang hudyat sa panibagong yugto ng kalakalan sa pampublikong pamilihan.” Ito ang lead sa Palengke Ng Lunsod, Bukas Na, Taon 1, Bilang 1, Setyembre 20 – 26, 1997.

Ayon pa sa nasabing ulat: “Ipinahayag ni Penny Peñaloza, vice president ng Federation of San Pablo Market Retailers, Inc. na: maigting ang kahilingan ni Mayor Vic Amante na makalipat na kami sa bagong gawang palengke noon pa sanang September 1. Subalit sa dahilang marami pa rin sa aming miyembro ang hindi pa tapos ang mga stalls, pati na rin ang ilang amenities tulad ng flooring, electrification at pagpipintura ay sinabi namin sa kanya na ngayon ngang September 15 kami lilipat. Kasama namin ngayon na lumipat na dito ang mahigit sa 50 lehitimong stall owner na pawang mga biktima ng sunog noong December 15, 1992.’”

Sa nasabing paglipat noon ngang September 15, 1997 nagdaos ng Mahal na Misa ang mga opisyales at miyembro ng pederasyon. Pormal nilang inimbitahan sina Mayor Amante, dating Vice Mayor Danton Bueser at mga Konsehal, subalit hindi dumalo sina Amante, Bueser at kalakhang miyembro ng Sanggunian. Ang dahilan? “Sino itong isang Celia Lopez na mag-iimbita sa pagbubukas ng palengke? Nilampasan niya ang mga nasa itaas!” Ito ang napaulat pa rin sa maiden issue ng DERETSO.

Ayon naman kay Raymund Ciceron, chairman ng committee on construction, “Pormal naming pinadalhan sila ng imbitasyon na kami’y samahan sa pagharap sa Mahal na Misa upang sama-sama naming matanggap ang anumang grasya na ipinagkaloob ng Mahal na Panginoon.”

Sinalungat naman ni dating Konsehal at namayapang Iring Biglete ang maanghang na sinabi ng kanyang mga kasamahan: “Si Celia Lopez ay tagapagsalita lamang ng pederasyon, at naniniwala ako na hindi kikilos ang mga iyon ng walang clearance mula sa itaas. Iniimbitahan tayong dumalo sa kanilang pa-Misa, sa palagay ko’y walang masama doon.”

Dumalo sa nasabing Mahal na Misa sina dating Vice Governor Teresita Lazaro, mga dating bokal Mon de Roma at Jess Alava at dating Konsehal Rody Estiva.

Nagtampong bukid si Mayor Vic Amante

· Mayor Amante, Nagtampo Sa Pederasyon? Ito naman ang headline title sa Taon 1, Bilang 2, Setyembre 27 – Oktubre 4, 1997.

Ayon sa lead ng nasabing balita: “Lahat ng oras, ako’y nakikipag-dialogue at laging maganda naman ang pinagtatapusan ng aming pag-uusap. Nabigla nga lamang ako kung bakit sila na naturingang mga edukado ay kailangang magbitiw ng masasakit na salita sa isang lider na sa lahat ng oras ay handing tumulong para sa kanilang kapakanan.”

Nag-ugat ang “hinampong” iyon ni Amante nang magdesisyon itong patayuan pa ng mga stall ang lobby ng 2nd floor sa harap at gilid mismo ng elevator “upang ibigay sa iba pang maninindang mga wala pang puwesto” na mahigpit namang tinutulan ng pederasyon. Ito pa rin ang napaulat sa Taon 1, Bilang 2 ng DERETSO.

Hirit ng iba pang mga stallowner

· Huling Hirit, A-Kinse ng Oktubre! Headline title sa Taon 1, Bilang 3, Oktubre 4 – 10, 1997.

Ayon sa lead: “Kung hindi mababago ang petsa ng kalendaryo, malamang ganap ng malilinis sa mga temporary stalls ang mga kalsada ng Regidor, A. Flores, M. Basa, A. Bonifacio, P. Zamora, Lopez Jaena, at P. Paterno. Sanhi ito ng panibagong pangako ng kalakhang mga manininda na sila ay lilipat na sa bagong gawang palengke ng lunsod sa unang palapag nito sa darating na Oktubre 15.”

Ayon pa sa ulat, sa ginanap na pagpupulong noong Oktubre 1, 1997 ipinarating ni city engineer Rodolfo Santos sa lahat ng mga pangulo ng bawat section ang kagustuhan ni Amante na makalipat na nga ang lahat ng lehitimong nasunugang manininda sa bagong gawang palengke.

Sinabi pa sa nasabing ulat ni Ciceron na “Kung lilipat, lahatan na! Walang maiiwan sa kalsada! At bakit pa natin patatagalin ang paglipat? Gawin na natin ito sa a-singko!” Subalit nanaig ang petsa ng a-kinse ng Oktubre.

Napansin din noon ng DERETSO na “malaking pagawain pa rin ang kinakailangang maisaayos sa loob ng unang palapag ng bagong gawang palengke, kabilang na dito ang hinggil sa electrification, na kung ang mga adviser ng kapitolyo ang masusunod ay gagastos pa ang mga manininda ng 5.7 milyong piso.

“Bukod sa electrification, marami pa rin sa mga lehitimong kaanib ng pederasyon ang hindi pa ganap na nakakabayad sa ginastos sa ipinagpagawa ng kanilang stalls.”

Sa simula pa ‘lang, koryente gustong negosyohin... nino?

· SINABOTAHE!? Ito ang headline title sa Taon 1, Bilang 8, Nobyembre 8 – 14, 1997.

Ayon sa lead: “ginalaw o iniikot ang electrical meter na ginagamit ng pederasyon, kaya’t lumuwag ang buckle light nito na siyang naging sanhi ng pagkasunog nito noong Oktubre 24, 1997. Pinahintulutan at pinangasiwaan ng city engineering office ang pagkakabit ng temporary electrical installation sa unang palapag ng San Pablo City Shopping mall. Si electrical engineer Arthur Morales, na kaibigan naman ni city engineer Rodolfo Santos, ang nakakuha ng kontrata na siyang nagsagawa ng installation. Ito humigit kumulang ang nakasulat sa isang manipesto na may petsang Oktubre 31, 1997 na nagmula sa San Pablo City Federation of Market Retailers, inc. at ipinamahagi sa mga miyembro nito.”

Ayon pa sa nasabing manipesto: “Humigit kumulang sa P150,000 ang halaga ng nasabing kontrata, at wala pang isang buwan na nagagamit ng mga manininda nang ito’y sinadyang sirain… sa madaling salita, SINABOTAHE ang temporary electrical system ng pederasyon.”

Nauna rito, napaulat sa Taon 1, Bilang 7, Nobyembre 1 – 7, 1997 na: “Mahigit ng isang linggong walang ilaw ang kalakhang tindahan sa bagong gawang palengke ng lunsod. Dahilan: nag-overload ang kapasidad ng pansamantalang koryenteng ginagamit ng San Pablo City Federation of Market Retailers, Inc. Pangalawa, hindi na pinayagan ni city engineer Rodolfo Santos na makumpuni ang nag-overload na linya ng koryente na ginagamit mga ng pederasyon hangga’t hindi nakikipag-coordinate sa kanya ang mga ito.”

Sa nasabi ding ulat, mariin namang itinanggi ni Engineer Santos ang alegasyon ng pederasyon na sila ang “may kagagawan ng pagsasabotahe ng kanilang koryente.” Hindi aniya nakipag-coordinate ang mga taga-pederasyon.

Ayon naman kay city legal officer Atty. Eleno Mendoza, “Nag-lapse na ang temporary permit ng pederasyon sa Meralco, pero kung makukumpleto nila ang hinihingi naming mga papeles ay papayagan namin na mag-aplay uli sila ng temporary permit sa Meralco.”

Napag-alaman ng pederasyon na diumano’y, “hindi pinapayagan ng Meralco ang individual metering system sa mall sapagkat kailangang dumaan sa mother meter system.”

Dumaan sa butas ng karayom bago nakabuo ng kaukulang dokumento ang pederasyon para lamang sa temporary electrical installation.

Himutok nga ni Ciceron sa nasabing ulat; “Ginawa kaming bola ng basketball. Ito ba ang mga klase ng public servant natin ngayon? Ang dami-dami nilang hiningi sa aming requirement, tapos ngayon na nakumpleto na namin ay ganito ang gagawin sa amin? Parang gusto kong maniwala na ang lahat ng ikinikilos nilang ito ay utos na rin ni Amante. Wow, naman mayor, ang ganda ng ating samahan, bakit naman ganito ang mga bata mo? Pumayag na nga kaming pamura sa iyo sa harapan ng maraming tao noong isang araw para lamang mabigyan mo kami ng koryente, tapos ganito pa rin. Pinahihirapan pa kami ng kung anu-anong papeles, eh, sa totoo ‘lang, kumpleto na naman kami.

“Mayor, marami ng oras ang nawawala sa amin. Hindi na kami makapagtinda ng maayos. Nadoble na ang halaga ng tiket na sinisingil sa amin ng iyong mga kolektor dito sa palengke, na mula sa dating sampung pisong tiket ay sinisingil na kami ng bente pesos. At kalimitan pang tiket ay walang date na nakatatak sa likod nito. ‘Eh anong ibabayad namin kung wala namang namimili sa amin dahil nga sa walang ilaw sa mga tindahan namin?

“Hindi naman kami sinusuwelduhan sa ginagawa naming ito. Panay sakripisyo ‘lang, alang-alang na rin sa kagalingan nating lahat. Pero por Dyos por Santo naman, nanakaw na nga ang lahat ng ilaw na inilagay namin sa alley na nagkakahalaga ng humigit kumulang na siyam na libong piso. Nanakawan na rin ang stall ng isa naming miyembro dahilan nga sa walang ilaw. Nilalagyan na ng dume ng tao ang mga roll-up door ng tindahan namin. Tahasan na kaming sinasalbahe, mayor. Ano pa ang gusto ninyong makita sa amin bago ninyo kami mabigyan ng koryente?”

Salamat… pero bakit?

· SALAMAT NAMAN! Ito ang headline sa Taon 1, Bilang 9, Nobyembre 15 – 21, 1997, na ayon nga sa lead: “Natapos na rin ang humigit kumulang na dalawang linggong pagtitiis ng mga kaanib ng San Pablo City Federation of Market Retailers, Inc. sanhi ng pagkawala ng koryente sa unang palapag ng San Pablo Shopping Mall.” Resulta iyon ng isinagawang meeting sa pagitan nina Amante at ng pederasyon noong hapon ng ika-10 ng Nobyembre 1997.

Linya ng telepono naagapang negosyohin

· Pati linya ng telepono, muntik ng maging problema ng mga taga-pederasyon dahil naibandera sa Taon 1, Bilang 15, Disyembre 27, 1997 – Enero 2, 1998 ang Kontrol Pa Rin ng PLDT na may sub-title na Telephone Lines sa 1st Floor ng San Pablo City Commercial Mall.

Ayon sa nasabing ulat, “Resulta ang pagbabalitang ito ng DERETSO sanhi sa mga natanggap na pasaklolo ng mga manininda sa palengke na diumano’y binabalak ng kapitolyo na negosyohin din ang linya ng telepono sa palengke.”

Sa panayam noon ng DERETSO pinabulaanan iyon ni dating PLDT-San Pablo Exchange Head Gerardo Jose V. Castro. Katunayan aniya, nakaprograma na sa kanilang tanggapan na lalagyan na ng linya sa Enero 1998 ang 1st floor sapagkat may mahigit sa 500 datihang subscriber doon ang PLDT.

Magkakarne nagsintemyento din

· Mga magkakarne sa loob ng palengke hindi na rin nakatiis kaya’t sila ma’y sumigaw ng: PAPAANO NAMAN KAME!? May sub-title itong: Apektado ang Pang-Araw-Araw na Benta Sanhi ng mga Kolorum na Manininda sa Labas ng Pamilihang Panglunsod ng San Pablo. Ito ang headline title sa Taon 1, Bilang 20, Enero 31 – Pebrero 6, 1998.

Ayon sa lead ng nasabing ulat: “Nauubos na ang pasensiya ng may humigit kumulang na 70 miyembro ng San Pablo City Meat Vendors Association dahilan na rin sa patuloy nilang dinaranas na kahinaan ng benta sa loob mismo ng palengke. Isinisisi nila ang dahilan sa mga kolorum na nasa labas pa rin ng palengke sa kabila ng nagawa na nga ang bagong pamilihang bayan ng lunsod.”

Hinaing pa ng mga magkakarne sa nasabing ulat: “Dumami din ang nagkaroon ng mayor’s permit na manininda ng karne matapos na masunog ang palengke sapagkat nagbenta nito (mayor’s permit) ang dating market supervisor.”

Pati si Pitu-pito ‘di rin nakatiis

· Pati si Pitu-pito sa kanyang kolum na SIYETE ay ‘di nakatiis na humirit sa Taon 1, Bilang 20. Mali ang Pagkakadesensyo ng San Pablo City Shopping Mall.

Banat ni Pitu-pito: “Nagkamali pala ng desenyo ang arkitektong gumuhit ng San Pablo City Shopping Mall. Dapat pala, ang ginawa niyang design, lalo na sa palengke, ay pulos unahan, wala ng likuran at wala na ring gitna.

“Kung nagkaganon daw, tiyak hindi na nag-agaw-agawan ang mga manininda sa pagpuwesto sa unahan. Na kung nangyari ‘yon, hindi daw sana sumakit ang ulo ni mayor Enteng na dulot ng mga taga-palengke.

“May nagsasabi naman ngayon na huwag na daw ipagawa ang second phase ng palengke, na siyang pagtatayuan ng karnehan at isdaan. Hayaan na lamang daw na kung saan-saang kantuhan ng lunsod pumuwesto ang may gustong magtinda ng karne at isda. Tutal, ito daw naman ngayon ang nangyayari: parang kabute na nagsulputan ang nagtitinda ng karne sa labas ng palengke.

“’Eh anak, ‘yung karneng ibinebenta sa Hot Lips, Mega Disco, Leo Par, Lampara, Ogie’s at iba pang supermarket ng buhay na karne, malinis ba ‘yon? Sa palagay ko naman Ma Tonyo ay ligtas sa sipilis, pero hindi sa AIDS. Yakkss!”

Ano nga ba talaga ang plano sa palengke?

· Sa 1st Anniversary ‘98 issue ng DERETSO, naidighay doon ang mga sumusunod na pananaw:

“Tila nga ba walang katapusan ang kinakaharap na problema sa palengke. At tila ba pagkatapos maresolba ang isang problema, sumusulpot naman ang isa pang problema.

“Resulta nga kaya ito ng kawalan ng malinaw at konkretong plano para sa pamilihang panglunsod o istratehiya pa rin para nga inisin ang mga lehitimong nasunugan, partikular ang pamunuan ng pederasyon, na mismong sa hanay nito ay may problema din?”

Matatandaan na naglagay pa ng perspective design ng public market & mall noong kasalukuyang ginagawa ito. Nakasilip din ang DERETSO ng kauukulang plano hinggil sa pagpupuwesto ng mga stall.

2 x 2 ang minimum na sukat na sa unang serye nga ng paguusap sa bahagi nina Amante at pede-rasyon ay dapat sectioning ang paglalagay ng mga tindahan. Nagkasundo din ang dalawang panig na kung saan ang datihang lugar ng mga nasunugang stall ay doon na rin ang puwesto nito.

Lumiit ang puwesto sapagkat umurong naman papasok ang mga tindahan na dati rati’y nakasampa sa kahabaan ng Regidor at A. Flores St. Dagdag pa rito ang pagkakaroon ng service road sa loob mismo ng palengke sa may bahagi ng Regidor Street; pagkakaroon ng lobby na may elevator; pagkakaroon ng malawak na ventilation & lumination area sa may bahagi ng A. Flores sa likod ng damitan; at ang isa pang nagsilbing ventilation na pasukan naman ng mga sasakyan patungong basement sa may lugar din ng A. Flores St.

Kaya nga’t kung tutuusin, maraming mga lehiti-mong nasunugang stall owner ang “nawalan” o hindi na napabalik pa sa kanilang orihinal na lugar, na gaya nga ng napagkasunduan.

Taliwas naman ang sukat na 2x2 sa sukat na nasa may lugar naman ng covered court o sa tuyuan malapit sa karnihan. Hindi man konkreto ang mga stall doon, subalit hindi hamak na mas malalaki ang gayat ng mga stall doon.

Siguro nga kung hindi naging letter L ang pagkakagawa ng public market & mall at naging pantay-pantay ‘lang ang pagkakagayat ng stall ‘eh baka nga nagkasyang lahat. At kung nagagamit na lamang sana ang 3rd floor at ang Mall Two, baka nga wala ng mga ambulant vendors.

Naniniwala ang DERETSO na marersolba pa rin ang lahat ng problema sa San Pablo City Public Market & Shopping Mall KUNG magpapakatotoo lamang ang sinumang pulitikong uupo sa kapitolyo… KUNG AALISIN lamang ang personal agenda para kumita ang sariling bulsa at mapanatili ang sarili sa kapangyarihang politikal sa lunsod.

Dapat isipin ng sinumang pulitiko na panandalian lamang sila sa puwesto, subalit ang mga taga-palengke na naging biktima ng ilan na ring sunog doon ay hindi papayag na magpagan-on gan-on na lamang ang kanilang kalagayan.

Posibleng hindi nakarating sa kaalaman ng mga taga-Commission on Audit ang ilang maliliit na detalyeng ito:

1. Pederasyon ang gumastos sa flooring, railings ng ventillation & lumination area at pagpapapintura ng interior part ng 1st floor at pagpapa-marmol sa lobby, saan kaya pumasok ang kwenta nito?;

2. Pederasyon ang naglagay ng mga ilaw sa lahat ng alley ng 1st floor. Saan din kaya pumasok ang kuwenta nito?

In effect, malaki na ring pera ang naimbag ng pederasyon sa ilang finishing touches sa unang palapag ng public market & mall sa lokal na pamahalaan at lalong malaking sakripisyo na rin ang naitaya at patuloy na itinataya ng pamunuan ng pederasyon upang silang maging tulay sa lokal na pamahalaan sa pagkakaroon nga ng ganap na kaayusan ng lugar.

Hangga’t ‘di pormal na naibibigay ng lokal na pamahalaan sa kasalukuyang stall owner ang karapatang magmay-ari sa inookupang mga puwesto, asahang patuloy na babansagan silang mga squatter ng mismong nasa poder ng lokal na pamahalaan at patuloy silang iinisin kapag ‘di nakuha ang personal & political agenda.



0 Comments:

Post a Comment

<< Home