| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Tuesday, February 07, 2006

Huwag ka ng matakot, Pablo’y!

(DIGHAY ng DERETSO ) – "Human rights cannot be given in the form of concessions. Man is born with them and seeks to realize them in the course of his life. And if they are not realized or experienced, then man rebels. And it cannot be otherwise, because he is a man. His sense of honor expects it.... And it is impossible to resolve these problems by means of oppression. Police and prison provide no answer either. They only raise the price that will ultimately have to be paid.... There is only one road to peace and national unity, and that is through unfettered respect for the rights of man."

Sino ang nagsabi nito? George W. Bush? Tony Blair? Natan Sharansky? Ferdinand E. Marcos? Ninoy Aquino? Gloria Macapagal-Arroyo? Joma Sison? Ka Chino Roces? Al Pacino? Mike Enriquez?

Wala sa kanilang mga laymen ang nagsabi nito… si Karol Wojtyla ang nagpahayag nito noong 1977, isang taon bago siya hiranging pope.

Makikita ang mainit na endorso ng Simbahang Katoliko sa demokrasya sa “Vatican II’s Declaration on Religious Freedom” na pinagtibay noong 1965 at mainit ding sinuportahan ni Wojtyla. Pagkaminsan, ang mga ganoong deklarasyon ay malamig na naipatutupad. Mabuti na lamang at binigyang buhay nina Wojtyla at Pope John Paul II ang tunay na kahulugan ng “religious freedom”.

Sa pamosong deklarasyong “Be Not Afraid”, napalakas ng loob ni Pope John Paul II ang mga taong nagdurusa sa ilalim ng mga mapanupil.

“Lumabas kayo ng kalsada at pumunta sa Camp Crame at protektahan ninyo sina General Fidel Ramos, Secretary Juan Ponce Enrile, at iba pang mga sundalo ng sambayanan na nag-aklas sa diktaduryang pamahalaan.” “Kayong mga madre at pare, magsiluhod kayo’t magayuno at magsipagdasal at hilingin sa Panginoong Diyos ang kaligtasan nina General Ramos, Secretary Enrile at iba pang mga magigiting na sundalo ng sambayanan na nandoroon ngayon sa Camp Crame na kumalas sa diktaduryang pamahalaan.” Humigit kumulang naging panawagan ni namayapang Jaime Cardinal Sin sa bawat Pilipino noong mga huling linggo ng Pebrero 1986 sa unang sandali ng Aklasambayanan ’86 o ang pamosong People Power ’86.

29 na taon na ang nakaraan nang banggitin ni Wojtyla ang hinggil sa karapatang pangtao. Magda-dalawampung taon na ang nakaraan nang manawagan si Cardinal Sin ng People Power. Ilang dekada na rin ang nakaraan nang alisin ni Pope John Paul II ang takot ng mga naaapi.

Kapiling na ngayon ng Panginoong Diyos sina Wojtyla, Sin at John Paul II… subalit ang mga pahayag na iyon ay patuloy pa ring isinasabuhay nina Fr. Robert Reyes kasama ang ilang progresibong pari, madre at obispo ng Simbahang Katoliko.

Marapat lamang na samahan nina Fr. Reyes ang mga mamamayan na patuloy na nililigalig ang kanilang karapatang pantaong mabuhay ng disente, lalo na’t kung ang nangliligalig ay ang mismong nasa poder ng pampulitikang kapangyarihan.

Sa hanay naman ng mga laymen, hindi na mabilang ang mula’t sapul ay nanindigan na sa pagpapanatili ng dignidad ng Pinoy laban pa rin sa mga nasa poder ng kapangyarihan mula kay Lapu-lapu hanggang kina Diego Silang, Gabriela, Bonifacio, Rizal, Quezon, Recto, Diokno, Tañada, Ninoy, Lean Alejandro, Lorena Barrios, Jack Peña, Haydee Yorac at iba pang nagbuwis ng buhay para sa kasarinlan ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan, habang ang kalakhang Pinoy ay nalilibang at hindi napapansin ang patuloy na pagalipusta sa kanilang pagkatao ng mismo pa ring nasa poder ng kapangyarihan dahilan naman sa “panibagong kultura ng Big Brother” ay wala pa ring pagod sa pagalalay sa masa ng kanilang paninindigan ang mga Satur Ocampo, Liza Masa, Teddy Casiño, Jose Ma. Sison, Luis Jalandoni, Ka Roger Rosal, Ka Oris Madlos, Ka Andrei Servante, Ka Rubi del Mundo. Ganoon din, tahimik mang nagmamasid at nakikiramdam sa patuloy na pagdadamusak ng mga nasa poder ng pamahalaan ay nakahanda namang muling mag-alay ng dugo sa bayan ang mga bata at ideyalistang sundalo.

Kung sana nga’y natutugunan ng maayos ng nasa poder ng kapangyarihan ang nagiging problema ng mga “Bagong Bayani”, siguro nga’y hindi na kailangan pang magsakripisyo ang mga tulad nina Dr. Reggie Pamogas, Dr. Melanie Hernandez, Connie Regalado, Kakay Tolentino at Charlie Garcia sa pag-alalay sa mga kapatid nating OFW na nagkakaproblema sa kanilang pinapasukan sa ibang bansa.

Gaya noong unang magbuwis ng buhay ang isang Lapu-lapu, asahang hindi matatapos ang pagtatalang ito hangga’t hindi ganap na naaalis ang takot sa dibdib ng Sambayanang Pilipino na harapin ang mga nagtatraydor sa bayan.

Sa Lunsod ng San Pablo, hindi matatapos ang countdown na nakalagay sa frontpage ng DERETSO hangga’t patuloy na dinadamusak ng ilang mga lingkod bayan ang pamamahala sa siyudad.

Nawa’y may isang tunay na Fr. Reyes ang mabuhay sa kahit isang tagalunsod ng San Pablo upang ganap ngang maalis ang takot sa dibdib nina Pablo’y… isang tunay na kawangis ni Fr. Reyes na handang harapin ang anumang panganib, hindi ‘yaong pati pagkamatay ng isang pulis sa sakit sa puso’y ibibintang sa kapuwa. Isang Fr. Reyes na kapag sinabing “oo kasama mo ako sa laban” ay hindi ka iiwan. Hindi ‘yaong dahilan lamang sa sulsol ng mga may sariling interes ay biglang kukulpot at kakalimutan na ang naunang napagkasunduan. Isang Fr. Reyes na hindi umuurong sa laban. Hindi yaong kapag may television camera’y akala mo kung sinong santo kung magmisa, ‘yun pala’y isa ring traydor kina Pablo’y.

Namayapa man sina Wojtyla, John Paul II at Sin, hindi naman nawalan ng saysay ang itinanim nilang diwa sapagkat may mga Fr. Reyes pang nagpapatuloy isabuhay na maalis ang takot sa dibdib, hindi lamang sa bawat Pinoy, mandi’y pati kina Pablo’y.

Harinawa’y magkaroon ng tooong pastor sa lungsod na siyang gagabay sa tunay na kalayaan at pagkakamit ng tunay na karapatang pangtao hindi ‘yaong pastor na bukod sa istapador na’y broker pa sa pagtatalaga ng director. Isang tunay na lingkod ni Hesus gamit ang pulpito sa pagpapayabong ng ispiritwal na kalagayan at hindi ‘yaong ginagamit lamang ang pangalan Niya upang makatuntong sa entablado at magdeklarang paniwalaan ‘nyo ‘ko kung sino ang dapat iboto.

Sana nga’y isang landas na lamang ang tunguhin ng mga naniniwala at nagmamahal sa Panginooong Diyos at kay Hesukristo hindi ‘yaong nagsosolo ng pagkikristo sa boto na kalimitan nama’y lumalabas ding masamang tao ang ikiniristo.

Muli, ang sabi nga noon ni Pope John Paul II, “Be not afraid!”

Ang patuloy namang sigaw ng mga progresibong grupo: “Huwag matakot! Makibaka!”

At nawa’y mula sa pagkakasulat na ito’y maramdaman na nga sana ng mga nasa poder ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng San Pablo ang malalim na kahulugan sa kumakalat ngayong mga text messages sa lungsod:

“MAHALIN ang SAN PABLO! BANTAYAN PONDO NG BAYAN! TUTULAN PANGUNGUKAROT NI VIC AMANTE KASAPAKAT MAJORITY NG KONSEHO! TAMA NA! SOBRA NA! PALITAN NA!”

“IBIGAY INYONG PISO PARA SA PAGBABAGO NG SAN PABLO tru 4WRDING DIS MESSAGE: AMANTE, VIDAL, ADAJAS, YU, AGAPAY, BIGLETE, COLAGO, LAROZA, CIOLO, PAVICO: SALOT NG SAN PABLO!”

At nais ipahabol ng DERETSO na: “NAIS NAMI’Y ELEKSYON! HINDI PAGPAPALIT NG KONSTITUSYON!”

               Huwag ka ng matakot, Pablo’y!


0 Comments:

Post a Comment

<< Home