| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Monday, March 27, 2006

Basura

(DIGHAY ng DERETSO) – Ang patuloy na pagkasunog ng dumpsite sa Sitio Balok, Brgy. Sto. Niño, Lungsod ng San Pablo ay sumisimbolo sa kawalan ng kakayahan ngayon ng mga nasa nasyunal at lokal na pamahalaang mamuno at ipatupad ang isinasaad ng batas.

Para na ngang sirang plaka ang DERETSO sa pagsasabing: sa panahon ni dating Laguna governor Joey Lina ay nagpalabas ito noong July 29, 1998 ng Executive Order No. 2 na nagbibigay palugit sa lahat ng bayan at lungsod hinggil nga sa tamang sistema ng pagtatapon ng basura. At dahil doon, nabuo naman noong April 21, 1999 ang Kapasiyahan Bilang 264, Taon 1999 na nagtatag sa Laguna Waste Management Council (LWMC).

Ang nasabing kilos na iyon ni governor Lina ay bilang paghahanda sa ganap na pagpapatupad ng Republic Act 9003 o ang batas na nagsasaad ng tamang pangangalaga sa basura.

Sa talaan ng Department of Environment & Natural Resources (DENR) noong November 1993, mayroon lamang 21 bayan at siyudad sa buong Pilipinas ang tinanghal na “Model LGU-Wide Ecological Solid Waste Management System” o mga lugar na nakasunod sa tamang sistema ng pangangalaga ng basura. Ang mga ito ay: Puerto Princessa City sa Palawan; Boracay Island sa Malay, Aklan; Tuguegarao City; Maragusan sa Compostela Valley; Legazpi City; Naga City; Sorsogon City; Davao City; Moncada, Tarlac; Butuan City; Sta. Cruz, Marinduque; Sta. Barbara, Iloilo; San Joaquin, Iloilo; Camiguin; Iligan City; Mandaue City; Dumaguete City; Valenzuela City; Tuba, Benguet; Candon City, Ilocos Sur; at Laoag City sa Ilocos Norte.

Walang konkretong data ang Lungsod ng San Pablo kung ilang toneladang basura nga ba ang itinatapon araw-araw sa dumpsite nito sa Sitio Balok, Brgy. Sto. Niño kaya naman, kahit na saang galing na bayan at lugar ay maaaring magtapon doon.

July 20, 2005 nang sulatan ni Dr. Casamiro Ynarez III, executive director ng National Solid Waste Management Council, si mayor Vicente Amante na nagsasabing dapat ng ayusin ang sistema ng dumpsite sa Sitio Balok bago ito ganap na sarhan nitong February 2006. At may pagbabanta pa ang tanggapan ni Ynarez na kapag hindi sumunod ay kakasuhan nila ng administrative and criminal charges si Amante.

Sa halip na sundin ni Amante ang kautusang iyon ni Ynares, patuloy nitong nilalaspag ang pondo ng bayan sa pagbili ng dalawang sasakyan na ginagamit ngayon ni konsehal Diosdao Biglete upang diumano’y mapagbuti ang sistema ng pangangalaga sa basura; pagpapagawa ng mga tarpoline na pawang mga kasinungalingan lamang naman ang nakasulat ngunit ang mahalaga’y nakadisplay naman ang larawan ni Amante; ang pagbili ng mga sound system equipment na posibleng nasa pangangalaga pa rin ni Biglete upang may magamit itong pagbabando ng kanyang mga kasinungalingan sa darating na eleksyon; at ang pagbili ng sa paniniwala ng DERETSO na overpriced na walang titulong lupa (na naman!) upang gawing bagong tapunan ng basura.

Inutil nga ang national government sapagkat hanggang ngayo’y hindi natitinag sina Amante na sundin ang dapat sundin. Inutil din si Amante sampu ng kalakhang miyembro ng Sangguniang Panglunsod sapagkat hindi nila alam kung papaano nga aayusin ang tamang sistema ng pangangalaga sa basura ng kalunsuran, maliban na lamang sa baka nga sunugin na lamang ito.

Sa harap ng mga ganitong usapi’y marapat lamang na isama na sa nagaganap ngayong sunog sa Sitio Balok ang mga inutil na local officials na sina mayor Amante, vice mayor Larry Vidal, at mga konsehal na sina Abi Yu, Karen Agapay, Biglete, Richard Pavico, Egay Adajar, Pol Colago, Rudy Laroza, Gener Amante at Joseph Ciolo sapagkat sila nga ang matagal na ring nangangamoy na basura sa lungsod ng San Pablo.



0 Comments:

Post a Comment

<< Home