| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Monday, March 27, 2006

May nabago ba makaraan ang 20-taon?

(DIGHY ng DERTSO) – Matapos ang Aklasambayanan noong 1986, ano na nga ba ang narating ng ating bansa? Alin ang nabago? Alin ang lumalala?

Hinog na hinog na ang korapsyon hindi lamang sa national government ngunit maging sa lahat ng antas ng local government unit. Tila nga nagiging bahagi na lamang ng buhay ng mga Pinoy ang tahasan at lantarang pagnanakaw sa pondo ng bayan ng mga mayor, gobernador, congressman at maging ng mga barangay officials.

Bakit nga hindi’y nakakapaglibot pa rin ngayon kahit saang panig ng Pilipinas at mundo si Imelda Marcos nang nakataas ang noo matapos pagtawanan at laitin ang kanyang mahigit sa 3,000 pares ng sapatos at iba’t ibang klase ng bra at panty. Tagumpay na congresswoman si Imee Marcos at kasalukuyang gobernador naman sa Ilocos Norte si Bongbong Marcos.

Sa mahigit na 10 bilyong dollar na diumano’y ninakaw ng mga Marcoses at kanyang mga cronies, wala pang dalawang bilyong dollar ang nababawi. At kung nabawi na’y nagkanya-kanya namang nakaw din ang kasalukuyang nasa poder ng pamahalaan.

Hindi lamang sibilyan ngunit pati na rin ang hanay ng militar at kapulisan ang nagrereklamo ng korapsyon sa kanilang hanay.

May 150 pamilya lamang ang nagdodomina ng politika sa bansa mula sa local government, kongreso, senado at panguluhan.

Inihalintulad ni Ricardo Abad, professor ng sociology and anthropology sa Ateneo de Manila ang nasabing mga pamilya sa isang octopus “whose tentacles spread so widely it chokes the body politic.” Ipinahayag niya ito sa isang panayam ng Agence France Presse na nalathala sa on-line ng MediaCorp News nito lamang February 23.

Naibalik nga ng People Power 1986 ang demokrasya sa bansa subalit hanggang ngayo’y may 40% sa mahigit 84 milyong Pilipino ang nabubuhay sa kinikitang halos isandaang piso lamang bawat araw.

Sa mga nakalipas ding panguluhan matapos nga ang People Power 1986, lagi na lamang isinisi kay Marcos ang kalunos-lunos na kalagayan pa rin ng bansa.

Patuloy ang pagkawala ng mga lupain ng mga maliliit na magsasaka dahilan na rin sa pagsulpot ng mga technopark, economic zone at golf courses. Ganoon din, mabilis ang pagtaas ng bilang ng mga umaalis ng bansa upang mangamuhan sa ibang bansa, hindi lamang bilang mga domestic helper at skilled worker ngunit pati na rin mga doctor, nurses and engineers. Ang dahilan: Hindi pa rin kayang tugunan ng pamahalaan ang pagkakaroon ng isang disenteng hanapbuhay.

Sa bawat paglubog pa rin ng araw, tanging mga piling pamilya at mga panginoong maylupa na lamang ang siyang nakakatanggap pa rin ng lubos na biyaya sa ilalim ng nabawing demokrasya.

Kaya nga’t huwag ng pagtakhan kung maya’t maya’y magkaroon ng pagtatangka na agawin ang poder ng pamahalaan sa pamamagitan ng aklasambayan.



1 Comments:

At 5:14 AM, Blogger raymond said...

Wala na nga yatang nabago sa Pilipinas kahit na magmula noong mawala si Marcos sa pagkakaupo. Tayong mga Pilipino ay nakaluhod pa rin ngayon, wala pa rin tayong maliwanag na tanawin para sa hinaharap. Kung hindi matitigil ang corruption, kahit na sa pinakalower sector ng mga institutions, masasalot talaga ang kaban ng bayan. Salamat na lang doon sa supports ng mga kababayan natin na nasa abroad, malaking pera ang pumapasok sa Pilipinas. Parang wala ng resource from national productions halos lahat ng pera ng Pilipinas ay galing sa mga imigrante. Tapos yun naman mga politikong corrupt ang nakikinabang. Daig pa tayo ng bansang India, dati sila ang mga naghihirap, ngayon umangat ang kanilang economiya.

 

Post a Comment

<< Home