| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Monday, March 27, 2006

Nakakaalarma

(DIGHAY ng DERETSO) – Mamamayan, pulis, tagausig, hukuman, kulungan at koreksyunal. Ito daw ang 5 haligi sa pagsugpo ng anumang krimen sa lipunan.

Ngunit papaano na kapag ang isa sa haliging ito’y naging marupok? Papaano na lalo kapag apat dito’y tuluyan ng gumuho? Ano na nga ba ang sasandalan ng mamamayan?

Dalawa ang dahilan ng pagkarupok ng anumang sistema – pera at kapangyarihan.

Nakakaalarma na ang sitwasyon ng peace and order sa ating lipunan. Sa naganap na krimen, masabi lamang ng kapulisan na mataas ang efficiency rating nila sa pagresolba ng krime’y agad ipagbabanduhang nahuli na ang suspek, kahit na nga ang nasabing suspek ay hindi naman iyon ang ginawang krimen.

Papaano maniniwala ang mamamayan sa tagausig kung sa halip na kasuhan ang 24 ay tatlo lamang sa mga ito ang sasampahan ng kaso?

Anong hustisya ang makukuha sa kahit na anung korte kung hanggang ngayo’y nakatiwangwang ang 3rd floor sa kabila na hindi na nga magkamayaw ang mga manininda sa pupuwestuhan.

Papaano mababago ang paguugali ng salarin kung mismong kulunga’y siyang makakapagpapalala sa kanyang masamang gawain sapagkat mismong mga nagpapalakad noo’y siyang ugat ng lahat halos ng kasamaan?

Payak na halimbawa ang naranasan ng DERETSO sa pag-cover nito sa Sandiganbayan noong March 10.

Dahilan na rin sa pampadulas, nakuha ng mga taga-sherrif’s office ng Sandiganbayan ang dala naming video camera. Mabuti na lamang at nakuhanan na kaagad namin ng footage sina Mayor Vicente Amante at Atty. Marciano Brion, Jr.

Ang footage na iyon ang siyang nakapagpatotoo na talagang may kinakaharap na kasong graft & corruption si mayor Amante sa Sandiganbayan, taliwas sa una nitong pinagbanduhan na wala siyang kaso.

“Dismiss ang kaso!” Ito naman ang panibagong ipinagkakalat ni mayor Amante sa mga taga-San Pablo.

Nakakaalarma na ang ganitong sitwasyon dahil kahit na nga nakuhunan ng footage ay tila patuloy pa rin ang pagbabando ng kasinungalingan at panlilinlang sa mga mamamayan.

Nakakalarma sapagkat pati na nga yata kalakhang tagalunsod ay nakakain na ng anay ng mapanlinlang na libreng sakay sa ambulansiya at libreng pagpapalibing.

Nakakaalarma sapagkat kapag tuluyan na ngang nakain ng anay ang limang haligi’y anung lipunan pa ang matatawag natin?



0 Comments:

Post a Comment

<< Home