| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Sunday, April 23, 2006

Kinakabuyaw

(DIGHAY ng DERETSO, Abril 8, 2006) Binabalak ngayon ng Amante administration na lagyan ng mga stall ang kahabaan ng P. Paterno street sa may bahagi ng mga nakatayong business establishment.

“Pinulong na kami nina Atty. Marius Zabat at Fe Abril,” ayon sa ipinarating na hinaing sa DERETSO ng mga maaapektuhan. Si Zabat ang siyang secretary to the mayor at si Abril naman ang market superintendent ng Lungsod ng San Pablo.

Kung tama ang DIGHAY ng DERETSO, baka mga bakal ang itatayong stall. Ito kasi ang unang plano ni Mayor Vicente Amante noong kasalukuyang ginagawa pa ang palengke at nagkaroon ng problema sa pagpupuwesto ng mga manininda.

Mga ambulant vendors ng gulay at isda ang balak ilagay doon noon. Na ngayon nga’y itutuloy na rin pala.

“Beyond the commerce of men” ang kalsada ayon sa desisyon ng Korte hinggil dito. Subalit naiintindihan ba ito nina Zabat at Abril upang kahit mali sa batas ay buong gilas nilang sundin ang kautusang iyon ni Amante?

Wala na nga bang puwang ang mga maliliit na manininda sa palengke gayong hanggang sa sinusulat ang DIGHAY na ito’y nakatiwangwang pa rin ang 3rd floor ng Mall at maging ang Mall Two?

Sinsero ba si Amante na mabigyan ng permanenteng lugar ang maliliit na manininda dahil sa kanilang boto? O panggigipit ito sa mga nakatayong business establishment doon sapagkat hindi pa niya nakukuha ang gusto niya? Ano nga ba ang talagang gusto ni Amante sa mga lokal na negosyante? Pera para may magastos sa kasong kinakaharap niya sa Sandiganbayan? At bakit niya kailangan ng pera? Para ipanglagay sa mga Sandigan Justices? Kaya ‘nya bang bilhin ang mga Sandigan Jusitces?

At upang matakpan ang tunay na mga usaping bumabalot sa klase ng pamumuno ngayon ni Amante’y patuloy nitong ipinapain ang libreng sakay sa ambulansiya ng pamahalaan… at humabol pa ng maantot na propaganda para sa Mahal na Araw: Isang dambuhalang tarpoline ang nakabandera ngayon sa city plaza na nagsasabing magtatayo siya ng San Pablo City General Hospital.

Alam kaya ni Amante na hindi na ngayon sampu singko ang mga doktor at nurses? Naipaliwanag na ba ni Amante sa publiko kung bakit naging puting elepante ang City Emergency Hospital na itinayo sa Greenvalley Subdivision sa Brgy. San Francisco sa panahon ng kanyang unang siyam na taong panunungkulan upang ngayon nga’y buong hambog niyang ipagbabanduhan ang pagpapatayo naman ng SPC General Hospital?

Kung hindi magpapakita ng hayagang pagtutol sina Pablo’y sa mga kaanuhan ni Amante, asahang sa darating na Mahal na Araw ay muli na namang mapapako sa krus ng kapighatian ang kalakhang mamamayan ng San Pablo City.

Ano ang bottomline? Kinakabuyaw lamang tayo ni Amante… ang maniwala sa kanya’y siyang maglalagay ng pakong ibabaon sa ating mga kamay.



1 Comments:

At 7:12 AM, Anonymous Anonymous said...

wala na kayo talo na si DAMNTONELADA QRAKOT BWISET!!!
PURO KAYO PANINIRA KALA NYO BA MANINIWALA PA ANG TAUMBAYAN SA INYO??? ASA PA KAYO

 

Post a Comment

<< Home