| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Monday, March 27, 2006

Sori po…

Medyo ilang linggo din tayong ‘di nakapag-update. Sori po, medyo naging abala lamang tayo sa prepasyong ginawa namin sa pag-cover sa Sandiganbayan hinggil sa kasong graft & corruption nina mayor Vicente Amante at Abdon Andal.

Sa totoo ‘lang po, ‘ala pa naman akong internet connections sa bahay. Actually, si kaibigang Gerard ang siya namang nagpo-post nito sa webpage natin. Hindi pa baga ako marunong mag-post nito sa internet.

Anyway, taliwas sa nabasa kong pinost daw ng isang “Amante” na baka nagsawa na kami, ‘eh ‘ala po ‘yung katotohan. Hindi po tayo magsasawang magbalita sa inyo ng mga kaanuhan nina Biteng Amante at pati na rin ng rubber stamped niyang sangguniang panglunsod.

Lalo na po ngayon na mainit nating sinusubaybayan ang kaso niya sa Sandiganbayan.

Sabi nga ng mga nakakausap natin sa may alam sa batas: “Mauubusan din ‘yan ng delaying tactic – pera at paggamit ng legal na paraan.”

‘Yung mga motion, pleadings, etc., ‘eh talaga daw ibinigay ng estado sa isang akusado na gamitin upang ipagtanggol ang kanyang sarili. Na kalimitan nga’y nagagamit namang delaying tactic ng mga tusong abogado.

Eto ang analysis pa ng ilan nating kaibigang abogado:

Hindi rin marunong mag-isip ang mga legal adviser ni mayor Biteng Amante. Bakit?

Kung sakaling magkaka-election sa May 2007, maiipit si mayor Amante ng suspension.

Sa kasalukuyan kasi ay hindi pa ma-arraign si mayor Amante sa kanyang kaso sa Sandiganbayan gawa nga ng mga delaying tactic.

Dapat nga sana nitong March 10, pero nakahirit pa ng last try na gimik: nagsumite ng Motion to Quash. (Pakibasa na ‘lang po ng news article hingigl dito na may titulong MAILAP PA RIN).

Kung hindi ba naman bopol ang mga legal adviser ni Biteng Amante, dapat sana’y nagpa-arraign na siya noong isang taon pa kasunod ang 3 months suspension. So, kung nangyari iyon, ‘tyak naghe-hearing na ngayon ng kaso, limot na ng tao ang suspension. Kung naghe-hearing na, ‘eh madali ng gamiting muli ang mga delaying tactic. Pero, dahil hindi pa nga naa-araign at nalalapit na ang May 2007 election, malaki ang posibilidad na tumama ang suspension nito bago magtapos ang taong ito o sa January 2007.

Ngayon, kailangan niyang harapin ang April 28, 2006 para resolbahin ng Sandiganbayan ang kanyang March 8 Motion to Quash. Ang nakakatiyak, denay ‘yun. At ang nakakatiyak, ise-set na ang arraignment. ‘Ala ng remedyong taktika maliban na lamang sa patagalin kung kailan iyon. ‘Tyak gigimik ang mga abogado ni Biteng Amante sa pagsasabi sa korte na “’di po kami pwede sa petsang iyon kasi puno po ang schedule namin.”

So it will be between May 2006 to December 2006 mababasahan ng kaso sina Biteng Amante at Abdon Andal.

Kung sa May, ‘tyak suspendido si Biteng ng June, July & August. At least, pagdating ng pasko’t bagong taon, siya na uli ang mayor.

So ano ang bottomline? Mas maagang ma-arraign, mas maagang mapapagsilbihan ang suspension na maaga ring malilimutan nina Pablo’y.

Pero dahil sa bopol na payo ng kanyang mga legal advicer, na baka nga sina Eleno Mendoza at Nunung Brion, hayun at makokorner na din sina Biteng Amante at Abdon Andal.

Kaya naman, hapit sa pangongotong sa mga kaintsikan at ilang mga Pinoy na negosyante sina Biteng gamitin na dahila’y “ipang-aayos sa Sandiganbayan.” Wow ha!?

Naniniwala tayo na hindi kayang bilhin ni Biteng ang mga Sandigan Justices. Baka ‘yung mga nasa lower rank employee puwede niyang ma-corrupt.

May info na ipinarating sa atin na diumano’y isang ka-tenant ni First Gentelmen Mike sa LTA building ang nagmalaking kayang lakarin kay FG na ipadukot ang kaso sa Sandigan. ‘Yun bang tipong ‘nawalang palang bula ang kaso’ ‘nasunog’ ‘inanay’ ‘pinasok ng akyat bahay ang kuwarto ng clerk of court at tanging ‘yung record ‘lang ng kaso nina Biteng at Abdon ang nanakaw kasama ng maliliit pang kaso pati computer, aircon, etc.’

Nakahanda daw si Biteng na magbayad ng kahit magkano kay FG. Naku ha!? Iba-bribe si FG!?

‘Eh butata sina Biteng. Tahasan daw sinabi ni FG: “Ano ako poor!? Magdusa ka!!!”

So again, sori po sa delay posting…

Happy reading.

Siyanga pala, sa mga ka-Pablo’y natin na nasa ibang bansa, ‘wag na po kayong magpa-subscribe ng print edition ng DERETSO at magastos sa mailing. Regular na lamang po kayong bumisita dito, ‘ala pang gastos… maliban sa kung hindi naman po makakabigat sa inyo’y, konting donasyon para mamintina natin ang website na ito… at baka nga sakaling makabili na ng sariling webpage at hindi iyong nakikiangkas lamang po kami.

Regads kay Kuya Louie Bueser ng Chicago, Illinois; sa aking pamangkin na si Junjun Manalo na nasa Australia; mga pinsan ko na sina Kuya Abner Inciong, Boyie Aliazas, Maricel Aliazas-Avanzado; at si pareng Ipe.



Nakakaalarma

(DIGHAY ng DERETSO) – Mamamayan, pulis, tagausig, hukuman, kulungan at koreksyunal. Ito daw ang 5 haligi sa pagsugpo ng anumang krimen sa lipunan.

Ngunit papaano na kapag ang isa sa haliging ito’y naging marupok? Papaano na lalo kapag apat dito’y tuluyan ng gumuho? Ano na nga ba ang sasandalan ng mamamayan?

Dalawa ang dahilan ng pagkarupok ng anumang sistema – pera at kapangyarihan.

Nakakaalarma na ang sitwasyon ng peace and order sa ating lipunan. Sa naganap na krimen, masabi lamang ng kapulisan na mataas ang efficiency rating nila sa pagresolba ng krime’y agad ipagbabanduhang nahuli na ang suspek, kahit na nga ang nasabing suspek ay hindi naman iyon ang ginawang krimen.

Papaano maniniwala ang mamamayan sa tagausig kung sa halip na kasuhan ang 24 ay tatlo lamang sa mga ito ang sasampahan ng kaso?

Anong hustisya ang makukuha sa kahit na anung korte kung hanggang ngayo’y nakatiwangwang ang 3rd floor sa kabila na hindi na nga magkamayaw ang mga manininda sa pupuwestuhan.

Papaano mababago ang paguugali ng salarin kung mismong kulunga’y siyang makakapagpapalala sa kanyang masamang gawain sapagkat mismong mga nagpapalakad noo’y siyang ugat ng lahat halos ng kasamaan?

Payak na halimbawa ang naranasan ng DERETSO sa pag-cover nito sa Sandiganbayan noong March 10.

Dahilan na rin sa pampadulas, nakuha ng mga taga-sherrif’s office ng Sandiganbayan ang dala naming video camera. Mabuti na lamang at nakuhanan na kaagad namin ng footage sina Mayor Vicente Amante at Atty. Marciano Brion, Jr.

Ang footage na iyon ang siyang nakapagpatotoo na talagang may kinakaharap na kasong graft & corruption si mayor Amante sa Sandiganbayan, taliwas sa una nitong pinagbanduhan na wala siyang kaso.

“Dismiss ang kaso!” Ito naman ang panibagong ipinagkakalat ni mayor Amante sa mga taga-San Pablo.

Nakakaalarma na ang ganitong sitwasyon dahil kahit na nga nakuhunan ng footage ay tila patuloy pa rin ang pagbabando ng kasinungalingan at panlilinlang sa mga mamamayan.

Nakakalarma sapagkat pati na nga yata kalakhang tagalunsod ay nakakain na ng anay ng mapanlinlang na libreng sakay sa ambulansiya at libreng pagpapalibing.

Nakakaalarma sapagkat kapag tuluyan na ngang nakain ng anay ang limang haligi’y anung lipunan pa ang matatawag natin?



Basura

(DIGHAY ng DERETSO) – Ang patuloy na pagkasunog ng dumpsite sa Sitio Balok, Brgy. Sto. Niño, Lungsod ng San Pablo ay sumisimbolo sa kawalan ng kakayahan ngayon ng mga nasa nasyunal at lokal na pamahalaang mamuno at ipatupad ang isinasaad ng batas.

Para na ngang sirang plaka ang DERETSO sa pagsasabing: sa panahon ni dating Laguna governor Joey Lina ay nagpalabas ito noong July 29, 1998 ng Executive Order No. 2 na nagbibigay palugit sa lahat ng bayan at lungsod hinggil nga sa tamang sistema ng pagtatapon ng basura. At dahil doon, nabuo naman noong April 21, 1999 ang Kapasiyahan Bilang 264, Taon 1999 na nagtatag sa Laguna Waste Management Council (LWMC).

Ang nasabing kilos na iyon ni governor Lina ay bilang paghahanda sa ganap na pagpapatupad ng Republic Act 9003 o ang batas na nagsasaad ng tamang pangangalaga sa basura.

Sa talaan ng Department of Environment & Natural Resources (DENR) noong November 1993, mayroon lamang 21 bayan at siyudad sa buong Pilipinas ang tinanghal na “Model LGU-Wide Ecological Solid Waste Management System” o mga lugar na nakasunod sa tamang sistema ng pangangalaga ng basura. Ang mga ito ay: Puerto Princessa City sa Palawan; Boracay Island sa Malay, Aklan; Tuguegarao City; Maragusan sa Compostela Valley; Legazpi City; Naga City; Sorsogon City; Davao City; Moncada, Tarlac; Butuan City; Sta. Cruz, Marinduque; Sta. Barbara, Iloilo; San Joaquin, Iloilo; Camiguin; Iligan City; Mandaue City; Dumaguete City; Valenzuela City; Tuba, Benguet; Candon City, Ilocos Sur; at Laoag City sa Ilocos Norte.

Walang konkretong data ang Lungsod ng San Pablo kung ilang toneladang basura nga ba ang itinatapon araw-araw sa dumpsite nito sa Sitio Balok, Brgy. Sto. Niño kaya naman, kahit na saang galing na bayan at lugar ay maaaring magtapon doon.

July 20, 2005 nang sulatan ni Dr. Casamiro Ynarez III, executive director ng National Solid Waste Management Council, si mayor Vicente Amante na nagsasabing dapat ng ayusin ang sistema ng dumpsite sa Sitio Balok bago ito ganap na sarhan nitong February 2006. At may pagbabanta pa ang tanggapan ni Ynarez na kapag hindi sumunod ay kakasuhan nila ng administrative and criminal charges si Amante.

Sa halip na sundin ni Amante ang kautusang iyon ni Ynares, patuloy nitong nilalaspag ang pondo ng bayan sa pagbili ng dalawang sasakyan na ginagamit ngayon ni konsehal Diosdao Biglete upang diumano’y mapagbuti ang sistema ng pangangalaga sa basura; pagpapagawa ng mga tarpoline na pawang mga kasinungalingan lamang naman ang nakasulat ngunit ang mahalaga’y nakadisplay naman ang larawan ni Amante; ang pagbili ng mga sound system equipment na posibleng nasa pangangalaga pa rin ni Biglete upang may magamit itong pagbabando ng kanyang mga kasinungalingan sa darating na eleksyon; at ang pagbili ng sa paniniwala ng DERETSO na overpriced na walang titulong lupa (na naman!) upang gawing bagong tapunan ng basura.

Inutil nga ang national government sapagkat hanggang ngayo’y hindi natitinag sina Amante na sundin ang dapat sundin. Inutil din si Amante sampu ng kalakhang miyembro ng Sangguniang Panglunsod sapagkat hindi nila alam kung papaano nga aayusin ang tamang sistema ng pangangalaga sa basura ng kalunsuran, maliban na lamang sa baka nga sunugin na lamang ito.

Sa harap ng mga ganitong usapi’y marapat lamang na isama na sa nagaganap ngayong sunog sa Sitio Balok ang mga inutil na local officials na sina mayor Amante, vice mayor Larry Vidal, at mga konsehal na sina Abi Yu, Karen Agapay, Biglete, Richard Pavico, Egay Adajar, Pol Colago, Rudy Laroza, Gener Amante at Joseph Ciolo sapagkat sila nga ang matagal na ring nangangamoy na basura sa lungsod ng San Pablo.



May nabago ba makaraan ang 20-taon?

(DIGHY ng DERTSO) – Matapos ang Aklasambayanan noong 1986, ano na nga ba ang narating ng ating bansa? Alin ang nabago? Alin ang lumalala?

Hinog na hinog na ang korapsyon hindi lamang sa national government ngunit maging sa lahat ng antas ng local government unit. Tila nga nagiging bahagi na lamang ng buhay ng mga Pinoy ang tahasan at lantarang pagnanakaw sa pondo ng bayan ng mga mayor, gobernador, congressman at maging ng mga barangay officials.

Bakit nga hindi’y nakakapaglibot pa rin ngayon kahit saang panig ng Pilipinas at mundo si Imelda Marcos nang nakataas ang noo matapos pagtawanan at laitin ang kanyang mahigit sa 3,000 pares ng sapatos at iba’t ibang klase ng bra at panty. Tagumpay na congresswoman si Imee Marcos at kasalukuyang gobernador naman sa Ilocos Norte si Bongbong Marcos.

Sa mahigit na 10 bilyong dollar na diumano’y ninakaw ng mga Marcoses at kanyang mga cronies, wala pang dalawang bilyong dollar ang nababawi. At kung nabawi na’y nagkanya-kanya namang nakaw din ang kasalukuyang nasa poder ng pamahalaan.

Hindi lamang sibilyan ngunit pati na rin ang hanay ng militar at kapulisan ang nagrereklamo ng korapsyon sa kanilang hanay.

May 150 pamilya lamang ang nagdodomina ng politika sa bansa mula sa local government, kongreso, senado at panguluhan.

Inihalintulad ni Ricardo Abad, professor ng sociology and anthropology sa Ateneo de Manila ang nasabing mga pamilya sa isang octopus “whose tentacles spread so widely it chokes the body politic.” Ipinahayag niya ito sa isang panayam ng Agence France Presse na nalathala sa on-line ng MediaCorp News nito lamang February 23.

Naibalik nga ng People Power 1986 ang demokrasya sa bansa subalit hanggang ngayo’y may 40% sa mahigit 84 milyong Pilipino ang nabubuhay sa kinikitang halos isandaang piso lamang bawat araw.

Sa mga nakalipas ding panguluhan matapos nga ang People Power 1986, lagi na lamang isinisi kay Marcos ang kalunos-lunos na kalagayan pa rin ng bansa.

Patuloy ang pagkawala ng mga lupain ng mga maliliit na magsasaka dahilan na rin sa pagsulpot ng mga technopark, economic zone at golf courses. Ganoon din, mabilis ang pagtaas ng bilang ng mga umaalis ng bansa upang mangamuhan sa ibang bansa, hindi lamang bilang mga domestic helper at skilled worker ngunit pati na rin mga doctor, nurses and engineers. Ang dahilan: Hindi pa rin kayang tugunan ng pamahalaan ang pagkakaroon ng isang disenteng hanapbuhay.

Sa bawat paglubog pa rin ng araw, tanging mga piling pamilya at mga panginoong maylupa na lamang ang siyang nakakatanggap pa rin ng lubos na biyaya sa ilalim ng nabawing demokrasya.

Kaya nga’t huwag ng pagtakhan kung maya’t maya’y magkaroon ng pagtatangka na agawin ang poder ng pamahalaan sa pamamagitan ng aklasambayan.



Ipakain na sa langgaman

(DIGHAY ng DERETSO) – “Dapat sundin ang Desisyong ito kaugnay sa kasong Contempt of Court at kung hindi’y mas mabigat na kaparusahan ang ipapataw!”

Humigit kumulang ito ang matitigas na tono ng Desisyon ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 29 na nasa Lungsod ng San Pablo patungkol naman sa kasong tila nga sirang plaka sa pagitan nina Atty. Marciano “Nonong” P. Brion Jr. at Dan Ambray hinggil sa usapin ng directorship sa San Pablo City Water District (SPCWD).

Ideneklara ni dating RTC Branch 30 Judge Balisi-Umali noong May 28, 2001 na valid ang appointment ni Dan Ambray (noon namang December 15, 2000) kapalit ni Nonong Brion. Kinuwestyon ito ni Nonong Brion hanggang Court of Appeals at Supreme Court, “not once, but twice,” at doo’y parehong kinatigan ng nasabing mga Korte ang desisyong iyon ni Judge Umali.

Hindi pa rin iyon sinunod ni Nonong Brion & company sapagkat ayon sa kanya’y ‘oo nga’t sinabing valid ang appointment ni Dan Ambray malabo pa rin ang isinasaad sapagkat wala namang sinasabi ang Supreme Court na bakantehin ko ang puwesto.’

Sa madaling salita’y namilosopong gunggong ang de-kalibreng abogado sapagkat ayon nga sa apat na pahinang desisyon ni Judge Hernando ay “…by their failure to avail of the legal avenues for questioning what they believed to be a void fallo and to maintain non-compliance with the trial court’s decision on their own terms, respondents’ actions are so much more to be characterized as effectively ‘taking the law into their own hands’ for they have declared, on the basis of their own conception, that the decision of the trial court was a void one.

“…they have arrogated unto themselves the matter of settling the issue of whether or not the decision is a void one, instead of resorting to the courts, thru the accepted legal channels, for relief on such a question.”

At nahuli pa sa bibig mismo ni Nonong Brion ang kanyang kahambugan nang sabihin niya sa witness stand noong October 11, 2005 na: “I considered the dispositive portion as nullifying the whole decision.”

Sa mga nabanggit na director, tanging sina Nonong Brion at Atty. Fabros na lamang ang kapit tuko pa sa puwesto.

Napalitan na ni Lerma Prudente si De Roma. Napalitan naman ni Mamerto Amante si Mitra. Samantalang patuloy pa rin ang labanan sa Korte nina Dr. Rudy Estiva (na si Nonong Brion ang nagtalaga) vs. Engineer Totoy Adriano (na itinalaga naman ni dating mayor Boy Aquino batay sa PD 198).

Sa ating mga laymen, we have yet to see kung papaano na naman hihiluhin nina nunung, rugir & company ang Desisyong ito ng Korte.

Hindi na kasi mabilang na pahina ng DERETSO ang nagamit sa pagtalakay sa usapin ng water district na tila nga ba iyon na nga ang naging kapalaran ng ahensiyang iyon ng pamahalaan sa kamay ng mga sukab.

Papaano nga kung muling mamilosopong gunggong si Nonong Brion sa Desisyong iyon ni Judge Hernando?

Minsa’y naisulat na ito sa pahina ng DERETSO: Kung ayaw umalis sa kabila ng Kautusan ng Korte’y tayo na mismong mga taga-San Pablo ang sama-samang magtungo sa boardroom ng distrito at bitbiting palabas ang mga sukab…with bonus na ipakain pa sa langgaman.