| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Saturday, October 29, 2005

Kung may No Smoking na, dapat may Plastic Ban na rin

Kalusugan ng tao at kapaligiran ang salalayan ng No Smoking Ordinance na inakda ni Konsehal Martin Ilagan na inaprubahan ng Sangguniang Panglunsod ng San Pablo noong October 19, 2004.

Kailan naman kaya isusunod at sino kaya ang matapang na konsehal ng lunsod na ito ang mag-aakda hinggil sa pagbabawas (pagbabawas pa ‘lang at ‘di total ban) sa paggamit ng plastic? Kalusugan ng tao at kapaligiran din ang tuntungan nito.

Hindi natutunaw ang plastic kahit na nga ibaon pa ito sa lupa, ayon sa mga eksperto sa environment, at batay na rin sa sariling obserbasyon ng DERETSO. Lumilikha naman ng nakalalasong usok kapag sinunog ito, kaya nga’t kalusugan at kapaligiran ang maapektuhan.

Sa informal survey na ginawa ng DERETSO sa lunsod na ito, eto ang nakaka-alarmang datos:

99.99% na lahat ng wholesale and retail store ay plastic bag ang ginagamit na lalagyan o balutan sa mga bagay na binibili sa kanila, ito man ay wet o dry merchandized.

99.99% na itinatapon na basura ay nakabalot sa plastic bag at plastic na sako. Recycled plastic bag ang malimit ding ginagamit na basurahan ng mga food chain at iba pang establisimyento.

99.99% na consumer ay hindi naman muling ginagamit o nire-recycle ang paggamit ng plastic. Kalimitan, naiimbak lamang ito sa kani-kanilang tahanan, na kalimitan din ay ito na nga ang ginagamit na lalagyan din ng kanilang basura.

99.99% na mga basurang itinapon sa ilog ay nakabalot sa plastic.

99.99% na mga basurang nakabara sa mga kanal ng lunsod ay nakabalot din sa plastic.

Hanggang ngayon, hindi pa ipanatutapad sa lunsod na ito ang hinggil sa waste seggration o ang paghihiwalay ng nabubulok at ‘di nabubulok na basura, ganoon din ang landfill sa mismong tapunan ng basura sa may Sitio Balok, Brgy. San Ignacio sa kabila na matagal na itong dapat ipinatutupad.

Sa Amerika, matagal ng ipinatutupad doon ng mga tindahan ang paggamit ng papel lalo na sa mga groceries at supermarket.

Ipinatutupad naman ngayon ng pamahalaang Scotland ang pagsingil ng kaukulang “pena” sa B&Q, isang higanteng chain of retail market, sa bawat paggamit nito ng plastic bag sa kanyang mga consumer. Tinatayang kumukunsumo ng may 7 milyong plastic bag ang B&Q sa buong Scotland. Ang nakukuhang pondo hinggil nga sa ginagawang “pagpataw ng pena sa paggamit ng plastic bag” ay ginagamit naman sa proyektong “Keep Scotland Beautiful.” Pangangalaga sa kapaligiran at kalusugan ang salalayan ng Scotland sa pagbabawas ng paggamit ng plastic na inaasahang makakabawas ang sistemang iyon ng may 90% sa nalolooban lamang ng isang taon.

Tinatayang aabutin sa mahigit 17.5 bilyong plastic bag ang nagagamit taun-taon ng 9 na malalaking supermarket na nag-o-operate sa buong United Kingdom, na ayon sa mga eksperto doon ay “sapat upang matakluban ng plastik ang buong UK sa nalolooban ng 21 taon.”

Maalwang gamitin ang plastic bag dahil magaan at flexible at maaari pang magamit ng kung ilang ulit, taliwas sa paper bag. Subalit ‘yun na nga, may masama itong epekto sa kapaligiran at kalusugan.

Kung magagawa sa lunsod ng San Pablo ang pagbabawas sa paggamit ng plastic, sana’y isama na ring “tunawin” ang mga plastic na politiko. . . una-hin na ang Dirty Seven na sangkot sa Suhulan sa Sanggunian 2004. Sa isang banda, hindi na kailangang tunawin pa sila. Mas dapat ay magsipag-resign na sila. . .



Monday, October 24, 2005

Balik tanaw sa mga naging intriga sa San Pablo City Public Market & Shopping Mall

Ulat pananaw ni Dodie C. Banzuela

Nakabatay ang pagbabalik tanaw na ito sa mga nauna ng naibalita ng DERETSO simula nang buksan sa publiko noong1997 ang minsa’y tinagurian na rin sa pahina ng DERETSO na pinakamodernong public market sa Katimugang Tagalog.

Sa paglipat noong ika-15 ng Setyembre 1997

· “Dinumog ng mga dating suki ang pagbubukas ng ilang tindahan sa loob ng bagong palengke ng Lunsod ng San Pablo noong umaga ng Setyembre 15, 1997 bilang hudyat sa panibagong yugto ng kalakalan sa pampublikong pamilihan.” Ito ang lead sa Palengke Ng Lunsod, Bukas Na, Taon 1, Bilang 1, Setyembre 20 – 26, 1997.

Ayon pa sa nasabing ulat: “Ipinahayag ni Penny Peñaloza, vice president ng Federation of San Pablo Market Retailers, Inc. na: maigting ang kahilingan ni Mayor Vic Amante na makalipat na kami sa bagong gawang palengke noon pa sanang September 1. Subalit sa dahilang marami pa rin sa aming miyembro ang hindi pa tapos ang mga stalls, pati na rin ang ilang amenities tulad ng flooring, electrification at pagpipintura ay sinabi namin sa kanya na ngayon ngang September 15 kami lilipat. Kasama namin ngayon na lumipat na dito ang mahigit sa 50 lehitimong stall owner na pawang mga biktima ng sunog noong December 15, 1992.’”

Sa nasabing paglipat noon ngang September 15, 1997 nagdaos ng Mahal na Misa ang mga opisyales at miyembro ng pederasyon. Pormal nilang inimbitahan sina Mayor Amante, dating Vice Mayor Danton Bueser at mga Konsehal, subalit hindi dumalo sina Amante, Bueser at kalakhang miyembro ng Sanggunian. Ang dahilan? “Sino itong isang Celia Lopez na mag-iimbita sa pagbubukas ng palengke? Nilampasan niya ang mga nasa itaas!” Ito ang napaulat pa rin sa maiden issue ng DERETSO.

Ayon naman kay Raymund Ciceron, chairman ng committee on construction, “Pormal naming pinadalhan sila ng imbitasyon na kami’y samahan sa pagharap sa Mahal na Misa upang sama-sama naming matanggap ang anumang grasya na ipinagkaloob ng Mahal na Panginoon.”

Sinalungat naman ni dating Konsehal at namayapang Iring Biglete ang maanghang na sinabi ng kanyang mga kasamahan: “Si Celia Lopez ay tagapagsalita lamang ng pederasyon, at naniniwala ako na hindi kikilos ang mga iyon ng walang clearance mula sa itaas. Iniimbitahan tayong dumalo sa kanilang pa-Misa, sa palagay ko’y walang masama doon.”

Dumalo sa nasabing Mahal na Misa sina dating Vice Governor Teresita Lazaro, mga dating bokal Mon de Roma at Jess Alava at dating Konsehal Rody Estiva.

Nagtampong bukid si Mayor Vic Amante

· Mayor Amante, Nagtampo Sa Pederasyon? Ito naman ang headline title sa Taon 1, Bilang 2, Setyembre 27 – Oktubre 4, 1997.

Ayon sa lead ng nasabing balita: “Lahat ng oras, ako’y nakikipag-dialogue at laging maganda naman ang pinagtatapusan ng aming pag-uusap. Nabigla nga lamang ako kung bakit sila na naturingang mga edukado ay kailangang magbitiw ng masasakit na salita sa isang lider na sa lahat ng oras ay handing tumulong para sa kanilang kapakanan.”

Nag-ugat ang “hinampong” iyon ni Amante nang magdesisyon itong patayuan pa ng mga stall ang lobby ng 2nd floor sa harap at gilid mismo ng elevator “upang ibigay sa iba pang maninindang mga wala pang puwesto” na mahigpit namang tinutulan ng pederasyon. Ito pa rin ang napaulat sa Taon 1, Bilang 2 ng DERETSO.

Hirit ng iba pang mga stallowner

· Huling Hirit, A-Kinse ng Oktubre! Headline title sa Taon 1, Bilang 3, Oktubre 4 – 10, 1997.

Ayon sa lead: “Kung hindi mababago ang petsa ng kalendaryo, malamang ganap ng malilinis sa mga temporary stalls ang mga kalsada ng Regidor, A. Flores, M. Basa, A. Bonifacio, P. Zamora, Lopez Jaena, at P. Paterno. Sanhi ito ng panibagong pangako ng kalakhang mga manininda na sila ay lilipat na sa bagong gawang palengke ng lunsod sa unang palapag nito sa darating na Oktubre 15.”

Ayon pa sa ulat, sa ginanap na pagpupulong noong Oktubre 1, 1997 ipinarating ni city engineer Rodolfo Santos sa lahat ng mga pangulo ng bawat section ang kagustuhan ni Amante na makalipat na nga ang lahat ng lehitimong nasunugang manininda sa bagong gawang palengke.

Sinabi pa sa nasabing ulat ni Ciceron na “Kung lilipat, lahatan na! Walang maiiwan sa kalsada! At bakit pa natin patatagalin ang paglipat? Gawin na natin ito sa a-singko!” Subalit nanaig ang petsa ng a-kinse ng Oktubre.

Napansin din noon ng DERETSO na “malaking pagawain pa rin ang kinakailangang maisaayos sa loob ng unang palapag ng bagong gawang palengke, kabilang na dito ang hinggil sa electrification, na kung ang mga adviser ng kapitolyo ang masusunod ay gagastos pa ang mga manininda ng 5.7 milyong piso.

“Bukod sa electrification, marami pa rin sa mga lehitimong kaanib ng pederasyon ang hindi pa ganap na nakakabayad sa ginastos sa ipinagpagawa ng kanilang stalls.”

Sa simula pa ‘lang, koryente gustong negosyohin... nino?

· SINABOTAHE!? Ito ang headline title sa Taon 1, Bilang 8, Nobyembre 8 – 14, 1997.

Ayon sa lead: “ginalaw o iniikot ang electrical meter na ginagamit ng pederasyon, kaya’t lumuwag ang buckle light nito na siyang naging sanhi ng pagkasunog nito noong Oktubre 24, 1997. Pinahintulutan at pinangasiwaan ng city engineering office ang pagkakabit ng temporary electrical installation sa unang palapag ng San Pablo City Shopping mall. Si electrical engineer Arthur Morales, na kaibigan naman ni city engineer Rodolfo Santos, ang nakakuha ng kontrata na siyang nagsagawa ng installation. Ito humigit kumulang ang nakasulat sa isang manipesto na may petsang Oktubre 31, 1997 na nagmula sa San Pablo City Federation of Market Retailers, inc. at ipinamahagi sa mga miyembro nito.”

Ayon pa sa nasabing manipesto: “Humigit kumulang sa P150,000 ang halaga ng nasabing kontrata, at wala pang isang buwan na nagagamit ng mga manininda nang ito’y sinadyang sirain… sa madaling salita, SINABOTAHE ang temporary electrical system ng pederasyon.”

Nauna rito, napaulat sa Taon 1, Bilang 7, Nobyembre 1 – 7, 1997 na: “Mahigit ng isang linggong walang ilaw ang kalakhang tindahan sa bagong gawang palengke ng lunsod. Dahilan: nag-overload ang kapasidad ng pansamantalang koryenteng ginagamit ng San Pablo City Federation of Market Retailers, Inc. Pangalawa, hindi na pinayagan ni city engineer Rodolfo Santos na makumpuni ang nag-overload na linya ng koryente na ginagamit mga ng pederasyon hangga’t hindi nakikipag-coordinate sa kanya ang mga ito.”

Sa nasabi ding ulat, mariin namang itinanggi ni Engineer Santos ang alegasyon ng pederasyon na sila ang “may kagagawan ng pagsasabotahe ng kanilang koryente.” Hindi aniya nakipag-coordinate ang mga taga-pederasyon.

Ayon naman kay city legal officer Atty. Eleno Mendoza, “Nag-lapse na ang temporary permit ng pederasyon sa Meralco, pero kung makukumpleto nila ang hinihingi naming mga papeles ay papayagan namin na mag-aplay uli sila ng temporary permit sa Meralco.”

Napag-alaman ng pederasyon na diumano’y, “hindi pinapayagan ng Meralco ang individual metering system sa mall sapagkat kailangang dumaan sa mother meter system.”

Dumaan sa butas ng karayom bago nakabuo ng kaukulang dokumento ang pederasyon para lamang sa temporary electrical installation.

Himutok nga ni Ciceron sa nasabing ulat; “Ginawa kaming bola ng basketball. Ito ba ang mga klase ng public servant natin ngayon? Ang dami-dami nilang hiningi sa aming requirement, tapos ngayon na nakumpleto na namin ay ganito ang gagawin sa amin? Parang gusto kong maniwala na ang lahat ng ikinikilos nilang ito ay utos na rin ni Amante. Wow, naman mayor, ang ganda ng ating samahan, bakit naman ganito ang mga bata mo? Pumayag na nga kaming pamura sa iyo sa harapan ng maraming tao noong isang araw para lamang mabigyan mo kami ng koryente, tapos ganito pa rin. Pinahihirapan pa kami ng kung anu-anong papeles, eh, sa totoo ‘lang, kumpleto na naman kami.

“Mayor, marami ng oras ang nawawala sa amin. Hindi na kami makapagtinda ng maayos. Nadoble na ang halaga ng tiket na sinisingil sa amin ng iyong mga kolektor dito sa palengke, na mula sa dating sampung pisong tiket ay sinisingil na kami ng bente pesos. At kalimitan pang tiket ay walang date na nakatatak sa likod nito. ‘Eh anong ibabayad namin kung wala namang namimili sa amin dahil nga sa walang ilaw sa mga tindahan namin?

“Hindi naman kami sinusuwelduhan sa ginagawa naming ito. Panay sakripisyo ‘lang, alang-alang na rin sa kagalingan nating lahat. Pero por Dyos por Santo naman, nanakaw na nga ang lahat ng ilaw na inilagay namin sa alley na nagkakahalaga ng humigit kumulang na siyam na libong piso. Nanakawan na rin ang stall ng isa naming miyembro dahilan nga sa walang ilaw. Nilalagyan na ng dume ng tao ang mga roll-up door ng tindahan namin. Tahasan na kaming sinasalbahe, mayor. Ano pa ang gusto ninyong makita sa amin bago ninyo kami mabigyan ng koryente?”

Salamat… pero bakit?

· SALAMAT NAMAN! Ito ang headline sa Taon 1, Bilang 9, Nobyembre 15 – 21, 1997, na ayon nga sa lead: “Natapos na rin ang humigit kumulang na dalawang linggong pagtitiis ng mga kaanib ng San Pablo City Federation of Market Retailers, Inc. sanhi ng pagkawala ng koryente sa unang palapag ng San Pablo Shopping Mall.” Resulta iyon ng isinagawang meeting sa pagitan nina Amante at ng pederasyon noong hapon ng ika-10 ng Nobyembre 1997.

Linya ng telepono naagapang negosyohin

· Pati linya ng telepono, muntik ng maging problema ng mga taga-pederasyon dahil naibandera sa Taon 1, Bilang 15, Disyembre 27, 1997 – Enero 2, 1998 ang Kontrol Pa Rin ng PLDT na may sub-title na Telephone Lines sa 1st Floor ng San Pablo City Commercial Mall.

Ayon sa nasabing ulat, “Resulta ang pagbabalitang ito ng DERETSO sanhi sa mga natanggap na pasaklolo ng mga manininda sa palengke na diumano’y binabalak ng kapitolyo na negosyohin din ang linya ng telepono sa palengke.”

Sa panayam noon ng DERETSO pinabulaanan iyon ni dating PLDT-San Pablo Exchange Head Gerardo Jose V. Castro. Katunayan aniya, nakaprograma na sa kanilang tanggapan na lalagyan na ng linya sa Enero 1998 ang 1st floor sapagkat may mahigit sa 500 datihang subscriber doon ang PLDT.

Magkakarne nagsintemyento din

· Mga magkakarne sa loob ng palengke hindi na rin nakatiis kaya’t sila ma’y sumigaw ng: PAPAANO NAMAN KAME!? May sub-title itong: Apektado ang Pang-Araw-Araw na Benta Sanhi ng mga Kolorum na Manininda sa Labas ng Pamilihang Panglunsod ng San Pablo. Ito ang headline title sa Taon 1, Bilang 20, Enero 31 – Pebrero 6, 1998.

Ayon sa lead ng nasabing ulat: “Nauubos na ang pasensiya ng may humigit kumulang na 70 miyembro ng San Pablo City Meat Vendors Association dahilan na rin sa patuloy nilang dinaranas na kahinaan ng benta sa loob mismo ng palengke. Isinisisi nila ang dahilan sa mga kolorum na nasa labas pa rin ng palengke sa kabila ng nagawa na nga ang bagong pamilihang bayan ng lunsod.”

Hinaing pa ng mga magkakarne sa nasabing ulat: “Dumami din ang nagkaroon ng mayor’s permit na manininda ng karne matapos na masunog ang palengke sapagkat nagbenta nito (mayor’s permit) ang dating market supervisor.”

Pati si Pitu-pito ‘di rin nakatiis

· Pati si Pitu-pito sa kanyang kolum na SIYETE ay ‘di nakatiis na humirit sa Taon 1, Bilang 20. Mali ang Pagkakadesensyo ng San Pablo City Shopping Mall.

Banat ni Pitu-pito: “Nagkamali pala ng desenyo ang arkitektong gumuhit ng San Pablo City Shopping Mall. Dapat pala, ang ginawa niyang design, lalo na sa palengke, ay pulos unahan, wala ng likuran at wala na ring gitna.

“Kung nagkaganon daw, tiyak hindi na nag-agaw-agawan ang mga manininda sa pagpuwesto sa unahan. Na kung nangyari ‘yon, hindi daw sana sumakit ang ulo ni mayor Enteng na dulot ng mga taga-palengke.

“May nagsasabi naman ngayon na huwag na daw ipagawa ang second phase ng palengke, na siyang pagtatayuan ng karnehan at isdaan. Hayaan na lamang daw na kung saan-saang kantuhan ng lunsod pumuwesto ang may gustong magtinda ng karne at isda. Tutal, ito daw naman ngayon ang nangyayari: parang kabute na nagsulputan ang nagtitinda ng karne sa labas ng palengke.

“’Eh anak, ‘yung karneng ibinebenta sa Hot Lips, Mega Disco, Leo Par, Lampara, Ogie’s at iba pang supermarket ng buhay na karne, malinis ba ‘yon? Sa palagay ko naman Ma Tonyo ay ligtas sa sipilis, pero hindi sa AIDS. Yakkss!”

Ano nga ba talaga ang plano sa palengke?

· Sa 1st Anniversary ‘98 issue ng DERETSO, naidighay doon ang mga sumusunod na pananaw:

“Tila nga ba walang katapusan ang kinakaharap na problema sa palengke. At tila ba pagkatapos maresolba ang isang problema, sumusulpot naman ang isa pang problema.

“Resulta nga kaya ito ng kawalan ng malinaw at konkretong plano para sa pamilihang panglunsod o istratehiya pa rin para nga inisin ang mga lehitimong nasunugan, partikular ang pamunuan ng pederasyon, na mismong sa hanay nito ay may problema din?”

Matatandaan na naglagay pa ng perspective design ng public market & mall noong kasalukuyang ginagawa ito. Nakasilip din ang DERETSO ng kauukulang plano hinggil sa pagpupuwesto ng mga stall.

2 x 2 ang minimum na sukat na sa unang serye nga ng paguusap sa bahagi nina Amante at pede-rasyon ay dapat sectioning ang paglalagay ng mga tindahan. Nagkasundo din ang dalawang panig na kung saan ang datihang lugar ng mga nasunugang stall ay doon na rin ang puwesto nito.

Lumiit ang puwesto sapagkat umurong naman papasok ang mga tindahan na dati rati’y nakasampa sa kahabaan ng Regidor at A. Flores St. Dagdag pa rito ang pagkakaroon ng service road sa loob mismo ng palengke sa may bahagi ng Regidor Street; pagkakaroon ng lobby na may elevator; pagkakaroon ng malawak na ventilation & lumination area sa may bahagi ng A. Flores sa likod ng damitan; at ang isa pang nagsilbing ventilation na pasukan naman ng mga sasakyan patungong basement sa may lugar din ng A. Flores St.

Kaya nga’t kung tutuusin, maraming mga lehiti-mong nasunugang stall owner ang “nawalan” o hindi na napabalik pa sa kanilang orihinal na lugar, na gaya nga ng napagkasunduan.

Taliwas naman ang sukat na 2x2 sa sukat na nasa may lugar naman ng covered court o sa tuyuan malapit sa karnihan. Hindi man konkreto ang mga stall doon, subalit hindi hamak na mas malalaki ang gayat ng mga stall doon.

Siguro nga kung hindi naging letter L ang pagkakagawa ng public market & mall at naging pantay-pantay ‘lang ang pagkakagayat ng stall ‘eh baka nga nagkasyang lahat. At kung nagagamit na lamang sana ang 3rd floor at ang Mall Two, baka nga wala ng mga ambulant vendors.

Naniniwala ang DERETSO na marersolba pa rin ang lahat ng problema sa San Pablo City Public Market & Shopping Mall KUNG magpapakatotoo lamang ang sinumang pulitikong uupo sa kapitolyo… KUNG AALISIN lamang ang personal agenda para kumita ang sariling bulsa at mapanatili ang sarili sa kapangyarihang politikal sa lunsod.

Dapat isipin ng sinumang pulitiko na panandalian lamang sila sa puwesto, subalit ang mga taga-palengke na naging biktima ng ilan na ring sunog doon ay hindi papayag na magpagan-on gan-on na lamang ang kanilang kalagayan.

Posibleng hindi nakarating sa kaalaman ng mga taga-Commission on Audit ang ilang maliliit na detalyeng ito:

1. Pederasyon ang gumastos sa flooring, railings ng ventillation & lumination area at pagpapapintura ng interior part ng 1st floor at pagpapa-marmol sa lobby, saan kaya pumasok ang kwenta nito?;

2. Pederasyon ang naglagay ng mga ilaw sa lahat ng alley ng 1st floor. Saan din kaya pumasok ang kuwenta nito?

In effect, malaki na ring pera ang naimbag ng pederasyon sa ilang finishing touches sa unang palapag ng public market & mall sa lokal na pamahalaan at lalong malaking sakripisyo na rin ang naitaya at patuloy na itinataya ng pamunuan ng pederasyon upang silang maging tulay sa lokal na pamahalaan sa pagkakaroon nga ng ganap na kaayusan ng lugar.

Hangga’t ‘di pormal na naibibigay ng lokal na pamahalaan sa kasalukuyang stall owner ang karapatang magmay-ari sa inookupang mga puwesto, asahang patuloy na babansagan silang mga squatter ng mismong nasa poder ng lokal na pamahalaan at patuloy silang iinisin kapag ‘di nakuha ang personal & political agenda.



Ang Palaisipan, Katotohanan at Reyalidad

Naging tampok na usapin sa nakaraang Halalan 2004 ang hinggil sa San Pablo City Public Market & Shopping Mall. Naging PALAISIPAN ito kung bakit LUGI ANG OPERASYON, na sa KATOTOHANAN nama’y posibleng naging MAGULO ANG PAMAMAHALA na baka nga ang naging ugat ay sanhi ng pansariling interes lamang ng “former mayor”.

Sa paglabas ng Serye sa DERETSO sa resulta ng audit ng Commission on Audit hinggil nga sa operasyon ng San Pablo City Public Market & Shopping Mall “Covering the period January 1997 - 1st Semester of 2001” ay hindi na ito magiging isang palaisipan na lamang na may bahid paninirang pulitika sa mata nina Pablo’y, mandi’y may katotohanang posibleng mahirap mapasubalian sapagkat ito ngayon ang naging batayan ng Ombudsman kung bakit si dati, at ngayo’y muling Mayor Vicente B. Amante at isang Abdon Andal ay kinasuhan sa Sandiganbayan ng paglabag sa Section 3 (h) ng Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corruption Practices Act noon pang Abril 2005.

Marapat lamang na maging mapagbantay sina Pablo’y sa paggulong ng hustisya na nakahain ngayon sa Sandiganbayan sapagkat nakasalalay dito ang ganap na pagsasaayos ng minsan na ri’y tinagurian sa pahina ng DERETSO na “pinakamaganda at modernong pampublikong pamilihan sa Katimugang Tagalog.”

Sa kabila ng katotohan sa palaisipa’y nandoroon pa rin ang reyalidad sa pang-araw-araw na pamumuhay nina Pablo’y: Ang patuloy na pagdadamusak sa pondo ng bayan na nilulustay ng mga nasa kasalukuyang poder ng lokal na pamahalaan sa kung anu-anong pagawaing bayan.

Hindi na dapat itong tingnan nina Pablo’y na isang PALAISIPAN na lamang kung may KATOTOHANAN. Mas dapat itama ang REYALIDAD sa pagguhit ng bagong kasaysayan, hindi lamang sa pagsasaayos ng Mall, ngunit sa kabuuang kaunlaran ng Lungsod ng San Pablo.

Hindi ito pagkilos na lamang ng isa o dalawang political group, manapa’y mas dapat laban ito mismo ng bawat isang Pablo’y... sapagkat ayaw na nating sa muling paglubog ng araw ay masasabisabi sa atin ng mga taga-kanugnog bayan at lugar na “walang kasalanan ang politikong inihalal ninyo sapagkat pumapayag kayong gawin nila iyan sa inyo.”

Matuto na tayo sa kasaysayan na ang reyalidad ay bahagi ng palaisipan na sadyang may bahid katotohan.


Mukha ng kaunlaran at katahimikan

Pinatay na lider manggagawa sa Calamba City. Pagkalugi sa operasyon ng San Pablo City Shopping Mall. Dalawang mukha ng kalagayan ng pagiging isang lunsod ng dati-rati’y isa lamang munisipyo sa lalawigan ng Laguna.

Pagkitil sa buhay ng isang progresibong mamamayan ang una. Patuloy na pagkitil naman sa pondo ng mga mamamayan ang ikalawa. Dalawang uri ng klase ng pamamalakad ng mga pinuno ng pamahalaan na pawang tumutukoy ng kasakiman sa kapangyarihan.

Papaano nga ba ipaglalaban pa ng progresibong mamamayan ang kanyang karapatan kung sa bawat pagbigkas ng kanyang saloobin ay kapalit nama’y sarili niyang buhay?

Talaga nga bang mapagtiis lamang sina Pablo’y o sadyang walang pakialam ito sa nangyayaring mga kaanuhan sa kanyang kapaligiran?

Ang nakakatiyak, patuloy na ididighay ang saloobin at isisiwalat ang katotohanan anuman ang maging kapalit nito.



Sa mata ng bata

Tatlong taon ng nakabinbin sa Regional Trial Court ng Lungsod ng San Pablo ang kasong sibil na may Docket Nos. SP-5901(02) at SP-5907(02) hinggil sa 3rd floor ng San Pablo City Public Market & Shopping Mall.

Sa mata ni Konsehal Martin Ilagan kailangang kumilos ang Sanggunian Panglunsod na manawagan sa RTC upang aniya’y maresolba na ang usapin kung sino nga ba talaga ang tunay na may karapatang gumamit sa nakatiwangwang na 4,788 square meters na iyon.

Naniniwala si Konsehal Ilagan na ang pagresolba sa nasabing usapin ay makababawas sa dinaranas na suliranin ngayon sa pamilihang bayan, partikular sa mga ambulant vendors at sa dako pa roo’y dagdag kita sa kaban ng lungsod.

Sinasamahan ng DERETSO ang panawagang iyon ng batang-batang konsehal na si Martin Ilagan sa pagkatok sa puso ni Executive Judge Zorayda Salcedo-Herradura upang bigyang pansin ang nasabing usapin.

Naniniwala ang DERETSO na sa bawat minutong pagkabalam ng hustisya ay hindi lamang si G. Cheung Tin Chee o Mayor Vicente Amante ang naaabala, ngunit mas maraming pagkakataong umunlad ang nasasayang sa mga mamamayan ng Lungsod ng San Pablo.

Sa mata ng batang Konsehal na si Martin Ilagan ay nandoroon ang pagsusumamo sa mga matatanda na pakinggan ang kanilang tinig na sana nga’y hindi PA nababahiran ng masamang sistema ng pamumulitika ang alinamang sagradong tanggapan ng Regional Trial Court sa Lungsod ng San Pablo.

Sa mata ng bata huwag sanang palampasin ni Honorable Judge Salcedo-Herradura ang makasaysayang sandaling ito ng panawagan para sa isang parehas, makatao at maka-Diyos na pagpapasiya… alalaon baga’y nakasalalay sa desisyon ng RTC-San Pablo ang unang hakbang sa pagresolba ng suliranin sa 3rd Floor ng San Pablo City Public Market & Shopping Mall.

Sa damdamin ng DERETSO, natutuwa kami na kasama ngayon sa yugto ng kasaysayang ito ng Lungsod ng San Pablo sa pagtatala ng mga pananaw at damdamin ng batang-batang Konsehal Martin Ilagan.

Asahang laging bukas ang aming pahina sa tinig at mata ng isang bata, hindi lamang ngayon kundi sa dako pa roon.



Sunday, October 23, 2005

Napuruhan

Takaw sunog?

“Nagbebenta ng kwitis at 5-stars na paputok!” Buod ng text message na natanggap ng DERETSO noong September 25, 2005 humigit kumulang alas-kuwatro ng hapon.

“Kapatid kasi ni Col. (Rolly) Huelgas ang may ari ng tindahan kaya’t hindi masaway,” ayon pa sa text message.

Personal na nakita ng DERETSO ang nasabing “tindang kwitis” na nasa may labas ng tindahang binabanggit na malapit sa 3K pharmacy kasama ang iba nitong tindang bunot, tampo at iba pang mga pambahay na tinda.

Diumano pa, ayon na rin sa text ng Darna sa Palengke ng DERETSO, “limang beses ng pinagsabihan ng mga taga-Market Office” ang nasabing tindahan na alisin na nga ang mga paputok na paninda. “Malakas” daw sa itaas kaya’t ayaw pasaway.

Dalawang bagay lamang yan, ‘eh: Pabor sa Amante administration kung andyan ‘lang ang bilihan ng kwitis para malapit ‘lang pag kinailangan niyang paputukin iyon kapag hindi natuloy ang kanyang suspension bago magpasko. Sa isang banda, malapit din ‘lang ang bilihan ng kwitis ng kabilang kampo kapag natuloy naman ang suspension ni Amante bago mag-Bagong Taon.

Amante, bumaba na?!

Dahilan na rin diumano sa kaliwa’t kanang isipin ni Mayor Vic Amante hinggil sa kung saan kukuha ng pondo para sa mga binabalak nitong mga proyekto (para na rin may mapagbaak-baakan sina adajas, july body, kanto boy, atbpng. haragan sa konseho?) at dahilan na rin sa napipintong pagse-serve sa kanya ng suspension, minarapat nitong bumaba na siya… bumaba ng tanggapang inookupa mula sa 3nd Floor ng 8-storey building patungo sa 2nd floor na dating inookupa naman ni damusak larry vidal.

Napapagod na rin aniya si Amante sa pagsakay sa malimit na masirang elevator.

Kapitolyo, na-delay ang suweldo… bakkett?

Sino ang gumamit muna ng pang-suweldo sa mga kawani ng kapitolyo ng San Pablo kaya’t na-delay ang pagbibigay noon ng a-kinse ng Oktubre 2005? Avah! ‘di ako nuh!? Sabi ng accountant. ‘Ayy, lalo namang ‘di ako. Hirit ng budget. Bakket, may pera vah!? Panlilisik ng mata ng tresurera.

Hindi dapat ma-delay ang pangsuweldo sa mga kawani ng pamahalaan sapagkat naka-budget na iyan, maliban na nga lamang kung may opisyales na pansamantalang gagamit nito napagtatakluban naman ng isa ding opisyales.

Maraming gimik para palabasing walang pera ang kapitolyo: Isinara ang branch ng Panching’s kasi hindi daw nagbabayad ng mayor’s permit, so walang pera ang kaha nina Pablo’y. Bumagsak sa araw ng Sabado ang a-kinse ng Oktubre kaya’t sarado ang bangko. ‘Eh bawal namang mag-advance withdraw ng katorse at isa pa, Biyernes ‘yon, nuh, simula na ng weekends. Dami namang withdrawal sa bangko noong Lunes kaya’t naubusan ng barya. At ang standard na dahilan: Hindi lamang naman ngayon nangyayari ang delay ng suweldo sa kapitolyo, nuh? SOP na daw ‘yun.

Haka-hakang dahilan ng mga taga-lapitolyo kung bakit nga na-delay ang suweldo: Ginamit munang pangtapal sa dapat tapalan kasi nga daw, ‘di naman papansinin ang arraignment dahil daw mas marami pang dapat asikasuhin at ‘yon daw naman ay matagal ng kaso. ‘Eh matagal na palang kaso, bakit tatapalan pa at hindi harapin?

Haka-haka #2: Ipinamtapal daw sa katangahan naman ng kung sinung tanga sa DLSP na ipinambayad sa re-print ng DLSP Student Handbook upang ‘di pagbayarin ang mga student doon ng 70 pesos. Kung ‘di pa unang pinaputok ni Iring Maranan ang isyu ng Handbook ‘eh baka nga na-ziperan na mga bibig ng student doon.

Haka-haka #3: Ipinamtapal pa rin diumano sa pagkamatay naman ng isang DLSP (pa rin!) graduating student na taga-AB Eco. Nabagok ang ulo ni Adelrom Partoza, taga-Daang Bakal sa may Brgy, Bagong Bayan, na siyang ikinamatay nito nong a-otso ng Oktubre nang mag-swimming ang buong klase nila sa may ilog sa Sta. Lucia, Dolores, Quezon. Isa na naman daw itong katangahan ng namumuno sa DLSP sapagkat bakit pinayagan ang mga ganoong aktibidades a-week before final exam? Palagay nang gusto ng mga student at ng guro, dapat may common sense ang college administrator na huwag payagan iyon dahil nga ‘di pa naman tapos ang exam. ‘Eh may alam nga ba daw naman talaga ang college administrator ngayon doon sa pagpapatakbo ng isang kolehiyo? Meron naman… malakas kay Biteng! ‘Yun ‘lang!

Haka-haka #4: Ipinamtapal sa naganap daw na raid sa may Brgy. San Jose ilang linggo na rin ang nakaraan. Tinapalan daw para mabawi agad ang diumano’y nakumpiskang isang Pajero, isang Besta van at isang motorsiklo.

‘Eh para saan nga ba ang raid na ‘yon? Droga? Jueteng? Video karera? Ahh, kaya nga may tapalan para ‘di malaman ang totoo ‘eh, ‘di ba zandy, boyet, romy, benjie, nani at iba pang baka nga natatapalan din?

Haka-haka #5: Ipinamtapal para ‘di busisiin ang pagkakabigay ng item na Assistant Professor sa baby ni adajas at item na Teacher 1 sa pinaKIKIsamahang isang Janquil Bumagat?

Haka-haka #6: Napabigay din bago mag-alas singko ng hapon noong Lunes (Oct. 17) kasi nakutubang mapapa-DERETSO.

Mga titser ng National & City Science High School 2-buwan delay ang sweldo?

Ano nga naman ang malaking Y at hanggang sa sinusulat ang artikulong ito’y delay pa rin ng halos magda-dalawang buwan na ang suweldo ng ilang mga titser sa National & City Science High School ng San Pablo City?

Sakop ng Special Educational Fund (SEF) ang suweldo ng ilang mga guro doon at isang malaking kahangalan kung bakit nga naman made-delay ng ganoong katagal.

Ayon sa natanggap na info ng DERETSO, may ilan na ring mga guro ang isang linggo ng ‘di makapasok sapagkat wala na silang mautangan na pamasahe. Pati chalk ay wala na ring magamit. In short, papaano makakapagturo kung ni pamasahe nga ay wala?

Ang mabigat nito, matanggap man nila ngayon ang dalawang buwan na delay na suweldo’y ‘tyak pambayad utang ‘lang ‘yon… at ang nakakatiyak pa rin, panibago na namang pagutang kasi baka nga panibagong delay na naman ng two-months! Sos Ginoo! Eto na nga ang epekto ng Amantesism: Vicious cycle of fund mismanagement.

Mantakin nga naman ninyong super bilis na naaprubahan ang 25.6 milyong pisong pinambili ng 3.05 untitled land sa may DLSP; 20 milyong pisong ipambibili ng lupang pinagtatapunan ng basura sa may Sitio Balok, Brgy. Sto. Niño; milyong pisong halaga ng mga ‘di naman pasado sa quality na textbooks; overprice o baka short sa bilang na mga upuan at school desk; at kung anu-ano pang mga school repair kuno, gayong heto’t delay ang pasuweldo sa mga guro?!

Minsan na ring napabilang ang DERETSO sa school board at doo’y nasaksihan natin kung gaano kagarapal na inaano ng ilang mga taga-DepEd ang pondo ng SEF. Media can do this much -- ipagbanduhan ang baho ng mga goverment officials. Ano naman ang dapat gawin ng mga mamamayan?

Ahh, sana nga’y ang mga zandy, boyet, romy at iba pang nagpupusturang media ang natatapalan lamang at hindi ang mismong sina Pablo’y.