| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Monday, February 13, 2006

Ala namang kwenta’y

(DIGHAY ng DERETSO, February 13, 2006) - Negosyo ang salalayan ng ekonomiya ng bansa at lugar. Mas maraming neogosyo, maraming magbabayad ng buwis sa pamahalaan na siya namang gagastusin nito sa mga basic services at iba pang proyekto.

Sa isang lumalaking populasyon ng lungsod, marami ang nakikitang pagkakataon para makapagnegosyo, legal man, underground o iligal.

Sa tatlong nabanggit, legal na negosyo, marami pa rin ang kiwang-kiwang na regulasyon bago ganap na makapagbukas.

Andiyan ang komo kakampi, madaling makapagbukas ng negosyo. Ika nga’y, sige na kahit na maraming lalabaging probisyon sa lokal at pambansang batas. Kapag perceived political enemy naman, ‘eh andyan na ang lahat ng paghihigpit na naayon kuno sa batas.

Matagal na ring nagnenegosyo ng mga cellphone accessories ang Prosperity. Taal na taga-San Pablo ang may-ari nito at sa ngayon ay may pitong branches na nakapuwesto sa iba’t ibang lugar ng kalunsuran ng San Pablo.

Hindi pa rin ganap na makapagbukas ang huling branches nito sa ngayon dahilan na rin sa paniniwala ng may-ari nito na “panggigipit” ni barangay chairman Greg Lacuenta ng Brgy. 3-B.

“Sinakop ang bakante” sa may kantuhan ng M. Paulino at Hermanos Belen streets, ito ang malaking dahilan ni Lacuenta kaya’t ayaw niyang bigyan ng barangay clearance.

Ang siste’y, siya nga ba ang nakakasakop sa lugar na iyon?

“Pinatutupad ko lamang ang dapat ipatupad!”, humigit kumulang sabi pa ni Lacuenta sa may-ari ng Prosperity.

Ang siste pa ri’y, kaya ba niyang paalisin ang santangbak na tricycle unit sa may lugar na iyon na ginawa ng tricycle terminal upang maniwala tayong wala siyang sini-sino?

Wala sa ordinansa ng tricycle ang pagkakaroon ng anumang terminal saan mang panig ng lungsod. Kung meron man sa ngayon, ito’y isang pribiliheyo lamang na sandaling ipinahihiram sa kanila ng mga awtoridad.

Kaya bang ipatibag ni Lacuenta ang lahat na sumakop ng bangketa mula nga sa may kantuhan ng M. Paulino pabaybay mismo sa magkabilang kalsada ng Hermanos Belen, upang mapalatak tayong, “’Anla’y kay tapang ng mama!”?

Nagsaliksik ba kaya muna si Lacuenta sa city engineering office upang malaman niyang talagang walang probisyon para sa bangketa ang lugar na iyon?

Mas hahangaan natin si Lacuenta kung ang tapang na iyon ay kanyang gagamitin sa pagsugpo ng droga’t video karera, hindi lamang sa kanyang nasasakupan, ngunit pati na rin sa ibang barangay.

Legal ang negosyo ng Prosperity. Ginagawa lamang itong iligal sa mata ni Lacuenta sapagkat baka nga hindi niya matukoy ang tunay na gusto niya para lamang ganap na mabuksan ang isang branches na iyon ng Prosperity. Ika nga’y nakahiyaan ng sabihing… alam ‘nyo na (kung anuman ‘yon).

Dagdag kita sa pamahalaan ang anumang buwis na ibabayad ng isa pang branches ng Propsperity, kasabay ang pagbibigay ng trabaho sa ilang mga tagalunsod. Alam ito ni Mayor Vicente Amante.

Siguro’y ito na nga ang tamang panahon upang masabi ni mayor Amante kay Lacuenta na, “Tama ka na chairman, ‘ala ka namang kwenta!”



Tuesday, February 07, 2006

Huwag ka ng matakot, Pablo’y!

(DIGHAY ng DERETSO ) – "Human rights cannot be given in the form of concessions. Man is born with them and seeks to realize them in the course of his life. And if they are not realized or experienced, then man rebels. And it cannot be otherwise, because he is a man. His sense of honor expects it.... And it is impossible to resolve these problems by means of oppression. Police and prison provide no answer either. They only raise the price that will ultimately have to be paid.... There is only one road to peace and national unity, and that is through unfettered respect for the rights of man."

Sino ang nagsabi nito? George W. Bush? Tony Blair? Natan Sharansky? Ferdinand E. Marcos? Ninoy Aquino? Gloria Macapagal-Arroyo? Joma Sison? Ka Chino Roces? Al Pacino? Mike Enriquez?

Wala sa kanilang mga laymen ang nagsabi nito… si Karol Wojtyla ang nagpahayag nito noong 1977, isang taon bago siya hiranging pope.

Makikita ang mainit na endorso ng Simbahang Katoliko sa demokrasya sa “Vatican II’s Declaration on Religious Freedom” na pinagtibay noong 1965 at mainit ding sinuportahan ni Wojtyla. Pagkaminsan, ang mga ganoong deklarasyon ay malamig na naipatutupad. Mabuti na lamang at binigyang buhay nina Wojtyla at Pope John Paul II ang tunay na kahulugan ng “religious freedom”.

Sa pamosong deklarasyong “Be Not Afraid”, napalakas ng loob ni Pope John Paul II ang mga taong nagdurusa sa ilalim ng mga mapanupil.

“Lumabas kayo ng kalsada at pumunta sa Camp Crame at protektahan ninyo sina General Fidel Ramos, Secretary Juan Ponce Enrile, at iba pang mga sundalo ng sambayanan na nag-aklas sa diktaduryang pamahalaan.” “Kayong mga madre at pare, magsiluhod kayo’t magayuno at magsipagdasal at hilingin sa Panginoong Diyos ang kaligtasan nina General Ramos, Secretary Enrile at iba pang mga magigiting na sundalo ng sambayanan na nandoroon ngayon sa Camp Crame na kumalas sa diktaduryang pamahalaan.” Humigit kumulang naging panawagan ni namayapang Jaime Cardinal Sin sa bawat Pilipino noong mga huling linggo ng Pebrero 1986 sa unang sandali ng Aklasambayanan ’86 o ang pamosong People Power ’86.

29 na taon na ang nakaraan nang banggitin ni Wojtyla ang hinggil sa karapatang pangtao. Magda-dalawampung taon na ang nakaraan nang manawagan si Cardinal Sin ng People Power. Ilang dekada na rin ang nakaraan nang alisin ni Pope John Paul II ang takot ng mga naaapi.

Kapiling na ngayon ng Panginoong Diyos sina Wojtyla, Sin at John Paul II… subalit ang mga pahayag na iyon ay patuloy pa ring isinasabuhay nina Fr. Robert Reyes kasama ang ilang progresibong pari, madre at obispo ng Simbahang Katoliko.

Marapat lamang na samahan nina Fr. Reyes ang mga mamamayan na patuloy na nililigalig ang kanilang karapatang pantaong mabuhay ng disente, lalo na’t kung ang nangliligalig ay ang mismong nasa poder ng pampulitikang kapangyarihan.

Sa hanay naman ng mga laymen, hindi na mabilang ang mula’t sapul ay nanindigan na sa pagpapanatili ng dignidad ng Pinoy laban pa rin sa mga nasa poder ng kapangyarihan mula kay Lapu-lapu hanggang kina Diego Silang, Gabriela, Bonifacio, Rizal, Quezon, Recto, Diokno, Tañada, Ninoy, Lean Alejandro, Lorena Barrios, Jack Peña, Haydee Yorac at iba pang nagbuwis ng buhay para sa kasarinlan ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan, habang ang kalakhang Pinoy ay nalilibang at hindi napapansin ang patuloy na pagalipusta sa kanilang pagkatao ng mismo pa ring nasa poder ng kapangyarihan dahilan naman sa “panibagong kultura ng Big Brother” ay wala pa ring pagod sa pagalalay sa masa ng kanilang paninindigan ang mga Satur Ocampo, Liza Masa, Teddy Casiño, Jose Ma. Sison, Luis Jalandoni, Ka Roger Rosal, Ka Oris Madlos, Ka Andrei Servante, Ka Rubi del Mundo. Ganoon din, tahimik mang nagmamasid at nakikiramdam sa patuloy na pagdadamusak ng mga nasa poder ng pamahalaan ay nakahanda namang muling mag-alay ng dugo sa bayan ang mga bata at ideyalistang sundalo.

Kung sana nga’y natutugunan ng maayos ng nasa poder ng kapangyarihan ang nagiging problema ng mga “Bagong Bayani”, siguro nga’y hindi na kailangan pang magsakripisyo ang mga tulad nina Dr. Reggie Pamogas, Dr. Melanie Hernandez, Connie Regalado, Kakay Tolentino at Charlie Garcia sa pag-alalay sa mga kapatid nating OFW na nagkakaproblema sa kanilang pinapasukan sa ibang bansa.

Gaya noong unang magbuwis ng buhay ang isang Lapu-lapu, asahang hindi matatapos ang pagtatalang ito hangga’t hindi ganap na naaalis ang takot sa dibdib ng Sambayanang Pilipino na harapin ang mga nagtatraydor sa bayan.

Sa Lunsod ng San Pablo, hindi matatapos ang countdown na nakalagay sa frontpage ng DERETSO hangga’t patuloy na dinadamusak ng ilang mga lingkod bayan ang pamamahala sa siyudad.

Nawa’y may isang tunay na Fr. Reyes ang mabuhay sa kahit isang tagalunsod ng San Pablo upang ganap ngang maalis ang takot sa dibdib nina Pablo’y… isang tunay na kawangis ni Fr. Reyes na handang harapin ang anumang panganib, hindi ‘yaong pati pagkamatay ng isang pulis sa sakit sa puso’y ibibintang sa kapuwa. Isang Fr. Reyes na kapag sinabing “oo kasama mo ako sa laban” ay hindi ka iiwan. Hindi ‘yaong dahilan lamang sa sulsol ng mga may sariling interes ay biglang kukulpot at kakalimutan na ang naunang napagkasunduan. Isang Fr. Reyes na hindi umuurong sa laban. Hindi yaong kapag may television camera’y akala mo kung sinong santo kung magmisa, ‘yun pala’y isa ring traydor kina Pablo’y.

Namayapa man sina Wojtyla, John Paul II at Sin, hindi naman nawalan ng saysay ang itinanim nilang diwa sapagkat may mga Fr. Reyes pang nagpapatuloy isabuhay na maalis ang takot sa dibdib, hindi lamang sa bawat Pinoy, mandi’y pati kina Pablo’y.

Harinawa’y magkaroon ng tooong pastor sa lungsod na siyang gagabay sa tunay na kalayaan at pagkakamit ng tunay na karapatang pangtao hindi ‘yaong pastor na bukod sa istapador na’y broker pa sa pagtatalaga ng director. Isang tunay na lingkod ni Hesus gamit ang pulpito sa pagpapayabong ng ispiritwal na kalagayan at hindi ‘yaong ginagamit lamang ang pangalan Niya upang makatuntong sa entablado at magdeklarang paniwalaan ‘nyo ‘ko kung sino ang dapat iboto.

Sana nga’y isang landas na lamang ang tunguhin ng mga naniniwala at nagmamahal sa Panginooong Diyos at kay Hesukristo hindi ‘yaong nagsosolo ng pagkikristo sa boto na kalimitan nama’y lumalabas ding masamang tao ang ikiniristo.

Muli, ang sabi nga noon ni Pope John Paul II, “Be not afraid!”

Ang patuloy namang sigaw ng mga progresibong grupo: “Huwag matakot! Makibaka!”

At nawa’y mula sa pagkakasulat na ito’y maramdaman na nga sana ng mga nasa poder ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng San Pablo ang malalim na kahulugan sa kumakalat ngayong mga text messages sa lungsod:

“MAHALIN ang SAN PABLO! BANTAYAN PONDO NG BAYAN! TUTULAN PANGUNGUKAROT NI VIC AMANTE KASAPAKAT MAJORITY NG KONSEHO! TAMA NA! SOBRA NA! PALITAN NA!”

“IBIGAY INYONG PISO PARA SA PAGBABAGO NG SAN PABLO tru 4WRDING DIS MESSAGE: AMANTE, VIDAL, ADAJAS, YU, AGAPAY, BIGLETE, COLAGO, LAROZA, CIOLO, PAVICO: SALOT NG SAN PABLO!”

At nais ipahabol ng DERETSO na: “NAIS NAMI’Y ELEKSYON! HINDI PAGPAPALIT NG KONSTITUSYON!”

               Huwag ka ng matakot, Pablo’y!


Sa Gitna ng Kahirapan, Bagong Rebolusyon

(Kaya Natin ito, Kabayan ni Virgilio T. Villancio ) – Magandang pangitain ba ang naka-amba sa taong ito ng asong apoy? Huwag naman po sanang maging asong ulol?

Nito kasing mga nakaraan puro aso lamang na kahol ng kahol ang ating mga nasaksihan? Samantala sa kongreso ang isyu ng ”Hello Garci” ay basta na lamang nawalan ng lagablab. Aba ay para ngang ningas ng bao, Kabayan. Pagkatapos ng mayabang na pagliyab at biglang nabuhusan ng tubig, ay iyon ang nangyari parang walang init na napugnas. Matapos nilang kaldkarin ang pera ng bayan sa katakut-takut na dakdakan at patutsadahan habang umuusok ang isyu, at ngayon ay basta na lang. Dahil ba baka pati sila ay masunog sa alimpuyo ng lagablab?

Ngayon, ang tanong ni Kabayan, May pag-asa pa ba sa gitna ng kaguluhan at kahirapan? Sa panahon ng kawalang pag-asa, huwag tayong bibigay. Narito pa rin tayo. Kahit si PGMA pa rin ang ating pangulo, narito pa rin tayo sa Laguna. May natutuhan ako nitong nakaraang mga buwan. Yang mga problemang yan ay dapat hindi makagupo sa atin. Manapa’y tingnan natin ang mga kaganapang ito bilang oportunidad upang maipakita ang ating lakas, kaalaman at pagkakaisa. Ang problema ay may solusyon dahil kung wala itong sulosyon hindi natin dapat problemahin. Noong nakaraang taon nasa Barangay Bucal, Nagcarlan kami at napag-alaman naming sa isang magtatanim ng kamatis na ang isang sako pala ng Urea ay1,050 piso na.

Namomroblema ngayon ang mga magsasaka. Sa isang panig naman, mabuti na rin ang mga ganitong pangyayari, sapagkat madali ngayong makukumbinse ang mga magsasaka na gumamit ng mga organikong pataba. Kaya ang mga dumi ng hayop, nabubulok na bahagi ng mga halaman at iba pang organikong bagay ay maaaring gawing abono sa halaman. Maging ang mga dating nabubulok na basura ay napapakinabangan na rin.

Ito ngang pag-taas ng halaga ng krudo ay isang uportunidad na rin sa Pilipinas upang tingnan ang ibang mapapagkunan ng pangpalit sa krudo katulad ng langis galing sa niyog at alcohol na galing sa tubo at kamoteng kahoy. Sa pagtaas ng presyo ng LPG, balik-kahoy at uling na ang iba nating kabayan. Napag-alaman ko rin na ito palang tubang-bakod ay puwedeng pagkunan din ng langis na maaaring pamalit sa krudo. Nitong mga nakaraang Linggo, ilang kabataan ang napa-ulat na nalason ng bunga ng tubang bakod. Ngunit, ang bunga pala nito ay magiging gamut din para sa ating panganga-ilangan sa krudo. Kaya nga nagsisimula na rin akong mag-aral tungkol sa pagpaparami nito at kung papaano maisasagawa ng pagkukumersyo nito. Pati nga pag-gawa ng alak mula sa prutas, pinag-aaralan ko na rin. At ito ang bago.... maraming nagpapasalamat sa pag-taas ng presyo ng asukal, dahil mababawasan raw ang magkaka-diabetes kung hindi na gagamit ng maraming asukal.

Pinag-aaralan ko rin ang mga buhay-buhay ng mga nagsikap, nagpunyagi at nagtagumpay. Mga taong mula sa kahirapan ay bumangon at umunlad ng walang kapuwang nayapakan, manapa’y maraming kasamang kawan na natulungan. Kaya nais kung alisin na natin ang mga buntung-hininga at harapin natin ang tunay na sanhi ng kahirapan, ang kawalan ng pag-asa. Maging suhay tayo ng bawat isa. Sama-sama tayong kumilos at bigyan ng pagkakataon at pag-asa ang ating Bayan.

Ito ang dapat na maging Bagong Rebolusyon. Gamitin nating sandata ang bagong KKK (Kayamanang likas, kaalaman at, kakayahan). Sa mga susunod nating pagtalakay, iisa-isahin natin ang mga ito. Naniniwala ako na sa kabila ng mga kahirapang dinaranas natin, may pag-asa pa rin tayo at kaya nating lampasan ito mga Kabayan. Manalig ka kapatid, babangon ang Pilipinas! Magsama-sama tayo sa BAGONG REBULOSYON LABAN SA KAHIRAPAN!


Si Dumaraos at ang DLSP

(PAHAPYAW ni Iring D. Maranan) – Nakakaawa ang mga mag-aaral ng Dalubhasaan ng Lungsod ng San Pablo (DLSP) dahilan na rin sa kasalatan nito sa mga material na bagay na may kinalalaman sa pag-aaral. Hindi ko po tinutukoy dito ang pagbili ng dagdag na lupa upang gawin lamang oval.

Kulang, kung hindi man tuwirang salat, sa tunay na libro ang library ng DLSP. Sinabi kong tunay sapagkat ang karamihang librong nandoroon ay hindi naman siyang pangunahing kailangan ng mga mag-aaral, kaya nga’t ito namang si titser ‘eh kailangan pang magpabili ng isang klase ng dictionary na kanyang personal choice at mandatong bilhin din sa isang partikular na tindahan.

Bukod sa material na bagay, salat din ang DLSP sa tunay na college faculty member at tunay na mga nakatanggap ng masteral and doctorate degree. With masteral & doctorate degree o katumbas nito kasi ang pangunahing qualification ng mga nagtuturo sa kolehiyo.

Kalimitan kasing titser sa DLSP ay pang-high school lamang ang kalidad. Kaya nga’t may titser na ayaw matatanong at makokontra sa kanyang mga itinuturo kahit na pangitang ilang taon na ring mali ang kanyang itinuturo.

Dahil mas sa palagay ni mayor Vic Amante na kailangan ang palakasan kesa magkaroon ng attractive salary scheme sa mga tunay na college faculty member kaya nga’t bumili siya ng sa paniniwala nami’y overpriced na 3.05 hectares of untitled land.

Dahil kulang at may pagkakataon pang nadedelay ang suweldo ng ilang mga pang-high school titser doon ‘eh pati baga naman saklob sa NSTP’y ninenegosyo ng P80.00 per student. At mandatong sa NSTP teacher bibilhin ang saklob! Sosmaryosep po!

Dagdag na pahirap pa sa DLSP ay ang pagkakaroon ng abusadong kalihim ng board of trustees na si Ernesto Capulong. Abusado dahil mantakin ninyong ura-urada’y i-expelled ako sa DLSP na ang tanging nagging dahilan ay ang mga isinulat kong puna sa DLSP.

Mabuti na lamang at bago ako ganap na nawala sa DLSP ay may mga alistong mag-aaral ang tumutol na magbayad ng P75.00 para lamang sa student handbook. Kung nagkatao’y pati kalituhan o katangahan? ni Capulong ay nabayaran pa ng mga pobreng mag-aaral.

Nag-ugat kasi iyon sa pagpapalimbag ng luma at bagong handbook. ‘Yung old version ng handbook kasi ang napalimbag ni Capulong sa halip na new version.

Abusado si Capulong sapagkat umaaktong akala mo’y kanyang personal na pag-aari ang DLSP gayong public fund ang ipinagpagawa noon.

Noong kasagsagan kasi ng pagpa-practice ng mga mag-aaral na kasali sa Cocofest 2006 (aka cocopestebal) pinuntahan namin ni kasamang Aldrin Cacayan ang lahat ng mga paaralang may entry sa nasabing pestebal.

Isa ang San Jose Annex national high school na nasa compound ng DLSP ang kasali. Natural na kapanayamin naming ang teacher-in-charge doon. Nang palabas na kami ni kasamang Aldrin sa DLSP ay hinarang kami ni Capulong at sinabihan na bawal kaming pumasok sa nasabing compound. Hindi pinakinggan ni Capulong ang paliwanag naming hinggil sa tunay na pakay namin. In short nagpakita siya sa amin ng kagaspangan at kitid ng pag-iisip.

Ang malaking kamalasan ng mga mag-aaral doon ay ang pagkakaroon nila ng hindi qualified na college administrator – si Mam Benilda p. Dumaraos na hanggang ngayo’y hindi pa rin kumpirmado ng Sangguniang Panglunsod ang kanyang appointment. Bukod ditto, talagang pang-elementary lamang ang alam nito sa pamamahala ng paaralan at nungkang may karanasang mamahala ng isang kolehiyo.

Kalabisan ng sabihing hindi papasa sa panlasa ng mga taga-Commission on Higher Education (CHED) ang kanyang credentials at possible pa ring hindi makalusot sa Civil Service Commission.

Mantakin ninyong sa DLSP lamang ako nakakita na nagsasagawa ng gardening, landscaping at iba pang beutification contest. Ang mga ganitong gawain ay tunay na mga pang-elementary & high school lamang.

Talaga nga yatang inaalat sa tunay na suporta ang DLSP.

Agarang nakabili ng halagang P25.6M na 3.05 hectares of untitled land ang Amante administration noong 2004. Kaya naman, hindi nakapagtatakang nagkaroon ng eklipse sa DLSP ng may ilang buwan din – naputulan ito ng supply ng koryente noong November 2005 dahil hindi nakabayad ng ilang buwan.

Hati ang naging reaksyon ng mga mag-aaral doon ng maputulan ng suplay ng koryente. Ang mga tamad mag-aral na ang tanging gusto’y mataas na grade kahit na hindi pumapasok ang siyang nagbunyi. Lubha namang nalungkot ang mga mag-aaral na naghahangad matuto kahit sa mga pang-high school titser lamang.

Tunay ngang walang maaari nang kumuha ng kredito kay Myaor Vic Amante sa pagkakaroon ng DLSP. Isa itong dream come true sa kanyang unang siyam na taong panunungkulan.

Ipinagbabanduhan sa halos lahat ng okasyon ang mga katagang “Edukasyon ang walang kapantay na pamana sa mga kabataan.”

Ngunit papaano kung ang pamanang edukasyon ay dinamusak at nilatiti pa ng mga inaasahang qualified school administrator and faculty member? Hindi kaya madamusak at malatiti na rin ang mga magsisipagtapos doon?

Huwag naman sana.

Salamat at may nababalitaan tayong mga nagsipagtapos sa DLSP na nasa hanay na ngayon ng propesyon sa pagtuturo at iba pang larangan kabilang na ang patuloy na dumaraming OFW.

Ganoon man, gaano naman karami ang nagsipagtapos na doon na hanggang ngayo’y nagtitinda pa rin ng banana cue, messenger at katulong sa bahay?

Hangga’t may mga Capulong, Dumaraos at pang-high school titser sa DLSP, baka dumami pa ang madamusak at malatiting utak na magsisipagtapos doon.

Huwag naman sana.